Filtered By: Topstories
News

Sa kabila ng ceasefire sa MILF: 12 sundalo patay sa engkwentro sa Basilan


Hindi bababa sa 12 sundalo ang nasawi, habang 10 pa nilang kasamahan ang nawawala, matapos nilang maka-engkwentro ang tropa ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan nitong Martes. Ayon kay Lt. Col. Randolph Cabangbang, tagapagsalita ng Armed Forces’ Western Mindanao Command, naganap ang ekwentro matapos nagsagawa ng operasyon ang mga sundalo mula sa nakuhang impormasyon na may armadong grupo sa lugar at posibleng may dalang mga kidnap victim. Sa isang pahayag, inamin ng MILF na mga tauhan nila ang nakasagupa ng mga sundalo. Pero idinepensa lang umano ng mga tauhan ng MILF ang sarili laban sa operasyon ng militar. Bukod sa mga nasawi at nawawala, sinabi ni Cabangbang na 11 sundalo pa ang nasugatan sa naturang engkwentro.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa Camp Aguinaldo sa Manila, sinabi ni Col. Arnulfo Marcelo Burgos, hepe ng public affairs office ng AFP, na isang M520 attack helicopter, isang OV10 bomber plane at dalawang Huey helicopters ang sumuporta sa tropa ng militar. Sa ulat na natanggap ng Philippine National Police sa Maynila, pitong miyembro ng MILF ang nasawi sa sagupaan. Kinilala ang mga ito na sina Ustadz Munip Habibun, Manap Limaya, JJ Rick, Kaharut Abdusal, Baddi, Sibin at Marijul. Sinabi ni Cabangbang na ang tropa ng MILF na nakasagupa ng mga sundalo ay pinangungunahan ng isang Dan Laksaw Asnawi. Si Asnawi ay sinasabing kasama ng 30 bilanggo na tumakas sa Basilan Provincial Jail noong December 2009. Kasama rin umano si Asnawi sa mga pumugot sa 14 na miyembro ng Marines na napalaban sa mga armadong lalaki sa bayan ng Albarka sa Basilan noong 2007. Idinagdag ni Cabangbang na naganap ang engkwentro sa Basilan nitong Martes ng umaga dagong 5:30 a.m. sa Sitio Bakisung Cambug sa Albarka. Ang lugar ay hindi umano ikinukonsiderang teritoryo ng MILF. Kasalukuyang may umiiral na tigil-putukan sa AFP at MILF dahil sa isinusulong na usapang pangkapayapaan. Ipaparating umano ng AFP sa Coordinating Committee in the Cessation of Hostilities (CCCH) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), ang nangyaring insidente, ayon pa kay Cabangbang. Sa isang pahayag, inakusahan ng MILF ang AFP na lumabag sa kasunduang tigil-putukan. Idinagdag ng MILF na si Asnawi ay pinuno ng kanilang 114th Base Command. "This attack of the government forces blatantly violated the existing ceasefire accord between the Government of the Philippines and MILF, which only overstates the insincerity of the government and its armed forces with the ongoing peace process and ceasefire," reklamo ng MILF. – GMA News