Filtered By: Topstories
News

Deles, kinastigo ni Enrile; ceasefire sa MILF, pinapasuspindi


MANILA – Dismayado si Senate President Juan Ponce Enrile sa pagkamatay ng mga sundalo sa naganap na pakikipagsagupaan sa mga tauhan ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan. Nitong Huwebes, inirekomenda ni Enrile na suspindihin ang negosasyon sa MILF at tugisin ang mga responsable sa pagkamatay ng 19 na sundalo. "They better break it (peace talks) up and conduct an operation unless the MILF will surrender those people who committed that... one-way traffic yang peace process na ‘yan, di pwede yun," pahayag ni Enrile sa mga mamamahayag. Kinastigo rin ni Enrile ang naging pahayag ni Presidential Peace Adviser Sec Teresita Deles, na isolated case ang nangyaring sagupaan at dapat ituloy ang usapang pangkapayapaan sa MILF.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "My god, that Deles should be fired if she insists on a peace process that she cannot handle... she's insisting on the peace process when the soldiers of the republic are being killed," ayon sa senador. Una rito, nagpahayag ng pagtutol si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa mga rekomendasyon na maglunsad ng all-out war laban sa MILF bunsod ng pagkamatay ng mga sundalo. “Are we advocating... all-out war...? Would that [improve] the situation? Matuto naman tayo. Giyera, walang nakikinabang," pahayag ni Aquino sa media matapos dumalo sa paggunita ng 67th anniversary ng Leyte Gulf landing sa Palo, Leyte. Iginiit niya na hindi dapat husgahan kaagad ang buong organisasyon ng MILF dahil lamang sa kagagawan ng ilan nitong tauhan. “Pag may one rotten egg dapat ba ‘yung buong basket of eggs tukuyin na natin na sila lahat masama? Maganda nga imbestigahan muna natin kung ano ang nangyari. Sino ang may pagkukulang? Sino ang mga nang-abuso, et cetera," aniya. “Pag nakuha mo ‘yung lahat ng detalye, ‘yun ang magsasabi sa 'yo ng course of action. Pero kung tatalon-talon tayo kaagad na may conclusion, walang facts, eh napaka-iresponsable ‘nun. Pwede kung teenager ka siguro, pero matagal na tayong hindi teenager," dagdag ni Aquino. Ngunit para kay Enrile, hindi umano pakikidigma kundi pagpapatupad ng hustisya ang magiging pakay sa pagtugis sa mga tauhan ng MILF na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo. "When your soldiers are being killed that means they're conducting a warfare against the government of the republic," ayon kay Enrile, sabay dagdag na dapat paghandaan na umano na marami pang sundalo ang magbubuwis ng buhay. Bukod kay Enrile, nagpahayag si dating Sen. Aquilino "Nene" Pimentel Jr., na dapat akuin ni Deles ang pananagutan sa naganap na engkwentro sa Basilan. - GMA News