Filtered By: Topstories
News

Gov Vilma, pinapakalma ang mga kritiko sa planong paglalagay ng signage sa Taal volcano


MANILA – Hindi umano dapat magkaroon ng overreaction sa planong paglalagay ng signage na mala-Hollywood sa Taal volcano dahil pinag-aaralan pa lamang ito, ayon kay Batangas Gov. Vilma Santos-Recto. Sa panayam sa telepono ng News To Go ng GMA News TV, ipinaliwanag ni Ate Vi na ang paglalagay ng signage sa Taal ay bahagi lamang umano ng mas malaking programa na pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang turismo sa Batangas. Idinagdag pa niya na ang signage ay magpapakilala na ang Taal volcano ay nasasakop ng Batangas at hindi ng Tagaytay City sa Cavite na madalas akalain ng maraming turista. “It’s just for study na ginagawa, that’s why with the over reaction, ‘wag naman, relax po dahil nothing is final with that. The more important thing is our tourism program, the holistic approach ng tourism program," paliwanag ng gobernador.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Matapos mapaulat ang planong paglalagay ng mala-Hollywood na palatandaan sa Taal volcano – na mismong si Gov Vi raw ang nakaisip – inulan na ito ng puna at pinaglaruan na rin sa Internet. Bagaman mai-enhance umano ng ilalagay na signage ang bulkan, sinabi ng gobernador na maliit na parte lang ito ng kanilang buong programa para sa turismo ng lalawigan at pagkakaloob ng kabuhayan sa kanilang mga kababayan. "Madadagdagan din ng pangkabuhayan ang mga tao dyan sa Batangas because that's going to be additional livelihood for them," aniya. "So it's not just the signage alone na ibinebenta dyan. It's the holistic approach ng turismo sa lalawigan ng Batangas." Wala namang tutol ang lokal na pamahalaan ng Tagaytay sa plano ng liderato ng Batangas. “Maganda ho ‘yon it will give identity to Batangas, yung Taal lake is part ng Batangas. On the other hand, advantageous naman in terms of tourism, both sa Batangas and Tagaytay," ayon kay Engr Gregorio Monreal, City Administrator Tagaytay City. Maging si Lipa, Batangas Archbishop Ramon Arguelles ay sumusuporta sa paglalagay ng palatandaan sa Taal volcano para ipaalam sa publiko kung saan lalawigan ito nasasakop. “The only thing is that people don’t know that the beauty is with us and they think that it is in Cavite. I think it’s also good to be recognized," paliwanag ng arsobispo. - GMA News