Filtered by: Topstories
News

Sa Zambo Sibugay naman: 4 sundalo, 3 pulis, patay sa sagupaan sa MILF


Hindi pa man naililibing ang 19 na sundalong nasawi sa sagupaan sa Basilan noong Martes, pitong tropa na naman ng pamahalaan – apat na sundalo at tatlong pulis – ang nasawi sa pakikipaglaban sa mga hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Zamboanga Sibugay. Sa ulat ng militar nitong Biyernes, sinabing tatlong ulit inatake ng mga armadong grupo ang tropa ng pamahalaan sa Zamboanga Sibugay sa loob ng limang oras. Ang unang pag-atake ng mga rebelde ay naganap umano dakong 7:21 p.m. nang tambangan ng armadong grupo ang puwersa ng pamahalaan sa Brgy Gulayon sa bayan ng Alicia. Ang naturang pananambang ay nagresulta sa pagkamatay ng apat na sundalo at pagkakasugat sa limang iba pa. Ayon kay Col. Santiago Baluyot, commander ng 102nd Brigade, nakita na ang isang Army sergeant na unang naiulat na nawawala. Ang ikalawang pag-atake ay naganap naman sa bayan ng Ipil dakong 9:30 p.m. kung saan isang Army enlisted personnel ang nasugatan. Dakong 12:15 a.m. nitong Biyernes nang pagbabarilin naman umano ng mga hinihinalang MILF ang pinagsanib ng tropa ng militar at pulis na nagpapatrolya sa Brgy Simbol sa bayan ng Kabasalan. Sa naturang ikatlong pag-atake, tatlong pulis ang nasawi at dalawa ang nasugatan – isang pulis at isang sundalo. Una rito, ipinagluluksa pa ng Armed Forces of the Philippines ang pagkakapatay sa kanilang 19 na sundalo na napalaban sa grupo ng MILF sa Basilan. Ang mga nasawi sa Basilan ay sina: 1Lt. Colt Alsiyao 1Lt. Vladimir Maninang 2Lt. Jose Delfin Khe Sgt. Ronald Sta. Rita Cpl. Roderick Cabanua Pfc. Mark Ted Quiban Pfc. Reny Arciaga Pfc. Romel Ondovilla Pfc. Roberto Recafrance Pfc. Jones Regor Pfc. Jobert Miguel Pfc. Jordan Olivar Pfc. Emerson Tugas Pfc. Jordan Magno Pfc. Dennis Bolan 1Lt. Frank Junder Caminos Sgt. Andy Bonifacio Mabalot Pfc. Ervin Dequito Ptv. Garry Colonia. -- GMA News

Find out your candidates' profile
Find the latest news
Find out individual candidate platforms
Choose your candidates and print out your selection.
Voter Demographics