Filtered By: Topstories
News

PNoy ‘di natinag sa desisyon na ‘wag giyerahin ang MILF


MANILA – Nanatili ang desisyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na panatilihin ang usapang pangkayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos niyang pamunuan ang pulong ng mga matataas na opisyal ng militar sa Camp Aguinaldo sa Quezon City nitong Biyernes. Matapos ang command conference, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for operations, Brig. Gen. Jose Mabanta, na nananatiling prayoridad ng pamahalaang Aquino ang usapang pangkapayapaan sa MILF. Hindi umano magpapadala ng tropa ng militar sa kampo ng MILF para tugisin ang mga responsable sa pagpatay sa 19 na sundalo sa Basilan noong Martes. “Wala tayong planong ganun. First and foremost is still we want to… peace is the… is on top of our minds. Eventually, we want to attain peace and we have to wait. Hindi natin puwede ‘tong basta basta dali-dali na take things into our hand. We have to assess really the situation," ayon kay Mabanta. Ipinatawag ni Aquino ang command conference para malaman ang buong detalye kung bakit naganap ang sagupuan ng mga sundalo at MILF sa Basilan. Una rito, ilang pulitiko gaya ni dating Pangulong Joseph Estrada ang nagmungkahi na itigil na ang usapang pangkapayapaan sa MILF at maglunsad ng “all out war" gaya ng ginawa niya noon laban sa mga rebeldeng Muslim. Ngunit paliwanag ni Aquino, hindi dapat madamay ang buong organisasyon ng MILF dahil sa pagkakamali lamang ng ilang miyembro nito.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Tiniyak din ng pangulo na papapanagutin ang mga responsable sa nangyaring patayan. Aminado naman si Mabanta na nagkaroon ng pagkukulang sa hanay ng militar gaya ng maling pagtaya sa kakayahan ng kalaban at miscommunication. ‘Yung unang kailangan naming tingnan is ‘yung... we have to review the organizational setup of our forces in the two very critical areas. First, in Jolo and then — in this instance — in Basilan. So, we are doing that right now," ayon kay Mabanta. Tinutugis umano ng mga sundalo ang “lawless elements" sa Basilan nang magkaroon ng miscommunication at naging dahil para makihalo na ang MILF sa labanan. Sa gagawing imbestigasyon, hihilingan umano ang tulong ng MILF para matukoy ang mga taong responsable sa naganap na patayan. May impormasyon na anim sa sundalong namatay ay nadakip ng buhay ng mga kalaban at hindi sa engkwentro. “Our intelligence will have to come up with the process of identifying and we are doing that right now. So what were doing right now is to reconcile and really come up with an investigation on what really happened,[with] both parties, meaning to say the MILF and then the government, coming up with inputs to come up with what really happened," paliwanag ni Mabanta. Nanindigan din ang MILF na sadyang pakay ng mga sundalo ang teritoryo ng nila na malinaw umanong paglabag sa peace agreement. Bukod kay Estrada, pabor sina Senate President Juan Ponce Enrile at Sen Panfilo Lacson na itigil ang peace talks ang salakayin ang MILF. Samantala, hiningi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, ang pagbibitiw sa puwesto ni Teresita Deles na presidential adviser on the peace process ni Aquino. "Contrary to what Secretary Deles had said, this is not an isolated case. Maybe she is too insensitive. Secretary Deles open [your] eyes… such incident is a blatant disregard of the ongoing peace talks with the MILF," ayon sa senador. Nanawagan naman si dating Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers sa MILF na ipakitang tapat sa hangaring matuloy ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng pagsuko sa kanilang mga tauhan na sangkot sa pagpatay sa mga sundalo. "If they surrender the perpetrator it will be a manifestation that they are interested and sincere to achieve peace in Mindanao," ani Barbers. Maging si Sen. Manny Villar ay pabor sa mungkahing ipagpaliban ang usapang pangkapayaan sa MILF upang mabigyan ng pagkakataon ang mga awtoridad na maimbestiahan at madakip ang mga nakapatay sa mga sundalo. “Di ko naman sinasabi na ikasela agad. Itigil muna. Tingnan muna kung ano nangyari. Mahirap naman natin na ituloy kung meron 19 soldiers ang namatay. Kaya bilang pagkilalanaman sa nangyari sa kanila, dapat ipara (itigil) muna, tingnan muna ang nangyari at pagaralan kung kailangang itigil na yang usapan," paliwanag ni Villar. Kinastigo rin ng senador si Deles sa pagsasabi nitong “isolated incident" lamang ang pangyayari sa masaker sa Basilan sa kabila ng dami ng mga taong nasawi. “Mahirap naman sabihin na isolated lang yan. Pero hindi ko naman ikansela, ang sinasabi ko ay itigil muna at tingnan muna kung ano nangyari kung sino ang may kasalanan at kung ano ang resulta ay dun tayo magdesisyon pero hindi naman pwede sabihin na basta tuloy," ayon kay Villar. - GMA News