Filtered By: Topstories
News

Sakripisyo ng mga sundalo, 'di binabalewala ng Aquino govt, ayon kay Valte


MANILA – Bagaman pinanatili ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sakabila ng pagkamatay ng 19 na sundalo sa Basilan, ipinahiwatig naman ng isang opisyal sa Malacanang na may limitasyon na pagdating sa pagtitiwala sa rebeldeng grupo. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Sabado, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na patuloy na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao na hindi magreresulta sa digmaan. “It’s not ever-faithful and ever-trusting... we are aware how high emotions are running but at this point, peace is the better option. The human cost of going to war is too high to take," pahayag ng opisyal sa panayam ng dzRB radio nang tunungin tungkol sa pagtitiwala sa MILF matapos ang madugong sagupaan sa Basilan. Sinabi ni Valte na may ginagawa ng hakbang ang militar para sa pagsasampa ng reklamo laban sa mga rebelde. Ngunit malayo umano sa katotohanan ang alegasyon na hindi binibigyan halaga ng pamahalaan ang pagsasakripisyo ng mga sundalo. Hindi rin umano tama na paghinalaan na naging protektor ng MILF si Aquino mula nang makipagkita sa mga opisyal ng MILF sa Japan noong Agosto. “It’s a show of good faith. We sincerely believe the peace talks is something we should invest in," patungkol ni Valte sa naganap na pulong sa Japan. Nauunawaan umano ng Malacañang ang saloobin ng maraming Filipino at nakikiisa dito ang gobyerno. Ngunit hindi raw dapat idaan sa emosyon ang mga desisyon ng pangulo. “The president is aware of the call for all-out war and he has said no... and he has reiterated his reason for saying so... the price is too high, the human cost is too great," paliwanag ng tagapagsalita. Matapos ang madugong labanan sa Basilan na nagresulta ng pagkamatay ng 19 na sundalo, ilang pulitiko ang nagmungkahi na suspindihin muna ang usapang pangkapayapaan sa MILF at tugisin ang mga pumatay sa mga sundalo. Anim sa mga sundalong nasawi ang sinasabing buhay nang madakip ng mga rebelde pero patay na nang balikan ng tropa ng pamahalaan. - FRJ, GMA News