Filtered By: Topstories
News

Pagtanggal sa puwesto ng 2 military officers, binigyan katwiran ng tagapagsalita ni PNoy


MANILA – Binigyan katwiran ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte ang pag-alis sa puwesto ng dalawang opisyal ng militar, kaugnay sa naganap na engkwentro sa Basilan na nagresulta sa pagkamatay ng 19 na sundalo. Matapos pamunuan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang pagpupulong ng mga mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines nitong Biyernes sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City, inalis sa puwesto sina Col. Antonio Parlade Jr., bilang tagapagsalita ng Army, at Col. Alex Macario, bilang pinuno ng Special Operations Task Force Basilan. Sinasabing inalis sa puwesto si Parlade dahil hindi umano nagustuhan ni Aquino ang naging pahayag nito sa media na dapat itigil ang peace talks sa Moro Islamic Liberation Front para matugis nila ang mga responsable sa pagpatay sa mga sundalo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Spokespersons like us should always keep in mind we cannot air our personal opinions. We answer questions for our principal. In my case and in presidential spokesman Edwin Lacierda’s case, our principal is the president. In Col. Parlade’s case, his principal is the Army. We cannot give our personal opinions," ayon kay Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Ngunit hindi naman sinabi ni Valte kung si Aquino – bilang Commander-in-Chief – ang nag-utos na alisin sa pwesto si Parlade. Idinagdag ng opisyal na hindi rin dapat isipin na pagkiling sa MILF ang ginawang pag-alis sa pwesto kina Parlade at Macario. Sinabi ni Valte na may mga pagkukulang sa naging operasyon sa Basilan na lumitaw sa ginawang command conference. “We want to see what we can do to improve our military. The killing of 19 soldiers is no joke, so we want our procedures to make sure our military is always at optimum level," anang tagapagsalita ni Aquino. Sa ulat ng GMA News' Saksi nitong Biyernes, kinumpirma ni Army chief Lt. Gen. Arturo Ortiz ang pag-alis sa pwesto kay Macario at pinalitan siya ni Col. Ramon Yogyog. - FRJ, GMA News