Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nadia Montenegro, ‘pinatamaan’ ni Annabelle sa Startalk


Nagpakawala ng mga salita nitong Sabado si Annabelle Rama laban kay Nadia Montenegro. Ito ay kaugnay sa panibagong reklamong falsification of documents na inihain ni Nadia kay Annabelle sa piskalya ng Quezon City. Ginawa ni Annabelle ang mga pasaring kay Nadia sa live interview ng StarTalk nitong Sabado. Sina Joey de Leon at Lolit Solis ang nagsagawa ng mainit na panayam sa palabang talent manager. Ngunit bago ang live interview, ipinakita muna ang ulat tungkol sa reklamong inihain ni Nadia laban kay Annabelle sa piskalya sa Quezon City. Dito ay iginiit ng dating teen actress na hindi niya pirma ang nakalagay sa dalawang management contract na ipinakita ni Anabelle para sa dalawa niyang batang anak. Ang naturang mga kontrata ay sinasabing nagawa noong Abril 2010 ay nagpapakita na talent niya ang dalawang batang anak ni Nadia. Ayon kay Nadia, ang tatlo lamang niyang dalagang anak ang lehitimong nakakontrata kay Annabelle para i-manage pero hindi kasama ang dalawang bata na edad lima at anim. “Inaalis ko nga yung dalawa kong anak sa kanya e, bakit pa ko pipirma… nung nalaman niyang may trabaho, may taping yung isa, may fashion show yung isa, bigla na lang sumulpot yung mga kontrata na hindi ko alam kung saan nanggaling," paliwanag ni Nadia. Ang pamemeke ng dokumento ang pinakabagong reklamo na inihain ni Nadia laban kay Annabelle. Una rito ang child abuse at oral defamation case na inihain noong nakaraang buwan. Hamon ni Annabelle Sa live interview, agad na itinanong ni Joey kay Annabelle kung talagang may kontrata sa kanya ang dalawang batang anak ni Nadia. Hindi naman kaagad direktang sinagot ni Annabelle ang naturang tanong at sa halip ay nagpatama na kaagad ito kay Nadia matapos batiin ang kanyang mga supporter. “Alam niyo naman ako hindi takot na magsabi ng totoo, iba diyan mga sinungaling, ako hindi sinungaling, wala akong pakialam. May baho daw ako, ilabas lahat ang baho ko, wala akong pakialam 'day!," pahayag ni Annabelle. “Ako open ang buhay sa public kaya kayo natatakot kayong ilabas ko ang baho niyo. Kaya kayo pinapapirma niyo ko ng waiver na bawal magsalita ng mga baho niyo 'day." Sumunod nito ay itinanggi na ni Annabelle na pineke niya ang pirma ni Nadia. Inireklamo din niya na mahirap kabisahin ang mahabang pangalan ng mga anak ng dating teen star. Ayon kay Annabelle, si Nadia ang pumirma sa lahat ng kontrata ng mga anak at inaapura din umano siya na ipa-audition ang isa pa nitong anak na apat na taong-gulang. “Sabihin mo nagfake ako ng kontrata bakit ano ba ang makukuha ko sa’yo 'day? Ni piso wala kang pera, anak mo hindi naman sikat, bakit ako magpifake ng kontrata. At hindi kita inoperan 'day, ikaw ang nagpipilit sa akin na kunin ko mga anak mo, ako panay tanggi," patuloy nito. Dahil sa awa kaya raw niya kinuhang “alaga" ang mga anak ng dating aktres nang magkaroon umano ito ng problema sa bahay. May mga dokumento rin umanong hawak si Annabelle gaya ng mga voucher o pagkuha ng sahod sa mga anak na magpapakita na pareho ang pirma ni Nadia at mga anak nito sa kontrata. “Laban kung laban. May pambayad ka ba ng lawyer mo ‘day?. Sino ba financier mo? Alam ko kung sino financier mo ngayon pa lang. Kayong dalawa idedemanda ko," banta ni Annabelle. -- FRJimenez, GMA News