Filtered By: Topstories
News

8 patay, 11 sugatan sa pag-atake ng MILF sa Basilan, Lanao


Walo katao, kabilang ang apat na sibilyan, ang napatay habang 11 ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na pag-atake na hinihinilang kagagawan ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ayon sa isang opisyal ng militar. Ayon kay Army spokesman Maj. Harold Cabunoc, ang mga pag-atake ay naganap sa mga probinsiya ng Basilan at Lanao del Norte sa Mindanao. Ayon sa kanya, naganap ang unang pag-atake nitong 5:30 a.m. sa Barangay Upper Cabenbeng sa bayan ng Sumisip, Basilan, kung saan lima katao -- apat na manggagawa at isang off-duty na militiaman -- ang patay. "According to the source, more or less 40 MILF under Hassan Asnawi perpetrated the said ambush," ani Cabunoc. Naganap ang pag-atake ilang araw lamang matapos ang bakbakan sa Basilan, kung saan 19 na sundalo ang napatay ng MILF. Kinilala ang mga napaslang sa Basilan sa pag-atake nitong Linggo na sina Fernando Tantalon, ang off-duty militiaman; at ang mga manggagawa ng plantation na sina Renato Aligay, Junrel Langugon, Delord Johnson, at Buenaventura Lugamay. Sugatan naman sina Alfredo Rojas, Danilo Tonghay, Adzar Madjakin, Abdul mot, Gilbert Guevera, Julibert Dingkong, Francisco Taklindom ay Bonficiao Dagodong Jr. Sa panayam naman ng GMA News TV Live, pinahayag ni Cabunoc na may ilang mga ulat na anim na katao ang patay. "Medyo malabo ang bilang ng mga namatay. Pero ayun sa listahan, lima ang nasawi... ayon naman sa isang source anim umano," aniya. Pag-atake sa Lanao sa Lanao del Norte naman, tatlong sudalo ang patay at tatlong iba pa ang sugatan sa pananambang ng umanoy mga miyembro ng MILF sa Brgy. Payong, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte. "Identities of the assailants are unknown but the MILF has forces roaming around in the area," ayon kay Cabunoc. Naganap ang pag-atake bandang 11 a.m., pahayag ni Cabunoc. Ayon kay Cabunoc, walang dahilan ang MILF na umatake sa Lanao del Norte sapagkat hindi nila ito teritoryo o matatawag na MILF Area of Temporary Stay. "They don’t have Area of Temporary Stay in that town," aniya. Pahayag naman ng MILF, naganap lamang ang banggaan nitong Martes matapos makapasok ang mga sundalo sa kanilang teritoryo -- isang akusasyon na tinanggihan ng militar. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News