Filtered By: Topstories
News

Pagpapalaya sa manunulat na si Ericson Acosta, hiniling sa DOJ


Nanawagan ang mga miyembro ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa pamahalaan na palayain ang isa nilang kasamahan na pinaghinalaang lider ng mga rebelde at walong buwan nang nakapiit sa isang kulungan sa Samar. Sa isang pagtitipon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa Intramuros nitong Oktubre 14, nag-apela ang grupo kay Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na pag-aralan muli ang kaso laban kay Acosta, ayon sa pahayag ng CAP na pinadala sa media. Kinilala ng militar si Acosta bilang Augusto Lim, lider umano ng Communist Party of the Philippines (CPP), ayon kay Lt. Gen. Arturo Ortiz, commanding general ng Philippine Army. Ngunit ayon sa mga miyembro ng CAP, Kilala si Acosta bilang isang manunulat ng mga kanta at tula. Dati rin siyang patnugot ng Philippine Collegian, ang student publication ng University of the Philippine's. "Ericson should be granted freedom immediately so he can continue his work as an artist and as a cultural worker, " ayon sa tagapagsalita ng CAP na si Renan Ortiz. Pahayag naman ni TV at stage aktor Nanding Josef, “I know him (Acosta) personally as a cultural worker. I am humbled by his sacrifices and his commitment to the poor. This new administration is challenged to be different from its predecessors. Free those whose only ‘crime’ is genuinely serving the least served, and jail without delay those who have greedily taken away food on the table of the poor." "Planted" na ebidensya Ayon sa campaign blog ni Acosta, inaresto siya na walang warrant of arrest noong Pebrero 13 habang nagsasagawa ng pananaliksik tungkol sa karapatang pantao sa Brgy. Bay-ang, San Jorge, Samar. Nagtangka umanong magpaputok ng isang granada si Acosta upang makatakas, ayon naman kay Ortiz. Matapos umano ang tatlong araw, sinampahan na si Acosta ng reklamong illegal possession of explosive na pinirmahan ni San Jorge Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Pagulayan sa Regional Trial Court sa Gandara, Samar. Itinanggi ni Acosta ang mga paratang laban sa kanya. Sa review petition na inihain ng National Union of People's Lawyers (NUPL) nitong Setyembre sa DOJ, iginiit ng kampo ni Acosta na "planted" umano ang ebidensyang ginamit laban sa kanya. Paglabag din umano sa karapatang pantao ang pag-aresto at pagkulong kay Acosta. Ayon sa counter-affidavit na inihain ng NUPL, umabot umano sa 44 na oras ang naging tactical interrogation kung saan nakaranas ng pisikal at psychological na pagpahirap kay Acosta. Nakabitin pa ang desisyon ng DOJ sa review petition matapos humiling ang legal counsel ni Acosta na si Atty. Jun Oliva ng NUPL na ipagpaliban ang arraignment habang nakabinbin ang kanilang apela na muling imbestigahan ang kaso. Amnesty para sa political prisoners Isa lamang si Acosta sa mahigit 300 na political prisoners sa bansa na hiniling ng mga mambabatas kay Pangulong Benigno Aquino III na palayain bago mag-Pasko. Nag-apela na rin ang mga human rights groups tulad ng KARAPATAN at Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (SELDA) na palayain ang mga political prisoners sa isang general at unconditional na amnesty declaration. Ginunita ng mga mambabatas na pinalaya ni Aquino noong Oktubre ng nakaraang taon ang mga rebeldeng sundalo na nagtangkang pabagsakin ang dating gobyerno. Isa sa mga unang hakbang na ginawa ng ina ni Aquino, si dating Presidente Corazon Aquino, pagkatapos niyang maluklok sa puwesto noong 1986 ay ang pagpapalaya ng libo-libong political prisoners na ikinulong ng rehimeng Marcos. - Amanda T. Fernandez/YA, GMA News