Filtered By: Topstories
News

Ilang riders, inireklamo ang motorcycle lanes


Hiniling ng isang grupo ng motorcycle riders sa korte nitong Lunes ng umaga na ipatigil ang pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng motorcycle lanes sa Commonwealth Avenue at Diosdado Macapagal Boulevard. Nagtipun-tipon ang mga miyembro ng Motorcycle Rights Organization (MRO) nitong umaga sa UP College of Human Kinetics kung saan sabay-sabay nilang tinahak ang daan patungong Quezon City Hall of Justice, kung saan nila inihain ang kanilang kahilingan, ayon sa ulat ni Steve Dailisan para sa Balitanghali. Sa inihaing mosyon, nais ng grupo ang agad na pag-isyu ng korte ng preliminary injunction upang mapatigil ang implementasyon ng motorcycle lane. Ayon sa chairman ng MRO na si Jobert Bolanos, hindi epektibo ang motorcycle lane upang itaguyod ang kaligtasan ng riders. Dagdag pa niya, lumalabag umano ang programang motorcycle lanes sa Bill of Rights ng konstitusyon kung saan tumatalakay ng equal protection sa batas. "We are classified as private citizens. And as private citizens, we use private vehicles. Now, they are segregating us in such a way na we lose that right so we lose the equality of using the road."

Kinikilala naman ng MMDA ang karapatan ng nasabing organisasyon para maghain ng petisyon ngunit hindi umano maitatanggi ang malaking pagbaba ng mga aksidente na kinasasangkutan ng mga motorcycle riders. Mula sa dating apat hanggang anim na aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo kada-araw sa Commonwealth Avenue, bumaba na umano ito hanggang naging isa na lamang. Nitong Lunes ng umaga sinimulan ang pagmumulta sa mga lalabag sa pinapatupad na motorsycle lane. Sa hiwalay na panayam ng dzBB radio kay MMDA assistant general manager for operations Emerson Carlos, mahigit 500 na ang mga nahuling lumabag sa bagong patakaran kung saan kinakailangan nilang magbayad ng P500 at dumalo sa isang 15-minuto na safety course. "Sa Commonwealth 210 na. Sa Macapagal 254 as of 11 a.m., wala pa akong susunod. Tinicket lahat yan at magbabayad sa MMDA," aniya. Dagdag pa niya, "Kapag tatlo na ang offenses, we have the power to ask the LTO (Land Transportation Office) to suspend their license." Kasabay nito, naghigpit na rin umano ang MMDA sa pagpapatupad ng yellow lanes kung saan, simula nitong umaga, mahigit limang public utilities na ang nahuhuli ng MMDA at pinagmulta ng P1,200. "Sama sa aming fully implementation ngayon, strict kami sa pag-implement ng yellow lanes. Kaya 'yung mga bus at jeep, hindi mag-interfere dito sa fourth lane sa motorcycles," pahayag ni Carlos. Maliban sa hindi pagsunod sa panibagong motorcycle lanes, huhulihin na rin ng MMDA ang mga riders na nakasuot lamang ng tsinelas o shorts. Mayroong multa na P100 ang bawat rider na mahuli. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News