Filtered By: Topstories
News

'Patuloy ang peace process, hindi gigiyerahin ang MILF'


Matibay ang panindigan ng Pangulo na hindi ‘all-out war’ ang kanyang pipiliin kundi ‘all-out justice’ laban sa mga pumaslang sa mga sundalo at mga pulis sa Mindanao. Kaugnay niyan, nakapanayam ni Howie Severino sa News To Go si Secretary Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office nitong ika-25 ng Oktubre. HOWIE SEVERINO: Itong mga magkakasunod na ambush at bakbakan sa Mindanao - sa tingin mo ba may ugnayan ang mga ito? Secretary RICKY CARANDANG: Mahirap sabihin kung magkaugnay ang mga 'yon. Ang ginagawa lang natin nililinaw natin sa publiko at sa MILF na may mga lawless elements na kailangan natin habulin. Hindi po ito kunektado sa ating peace process ng MILF ngunit kailangan talaga natin habulin ang mga wanted for murder, extortion, kidnapping at iba pang mga krimen. Nagkataon kasi na ang ilang criminal element ay napasok sa tinatawag nating MILF-influenced territories kaya nagiging komplikado ang issue pero nililinaw natin sa MI at sinabi ni Pangulong Aquino kahapon wala po itong kinalaman sa peace talks. Ang punto natin dito kailangan natin ng law enforcement at ine-enforce lang natin ang ating mga batas at inaasahan natin na sa pag-uusap natin sa MILF ay sila ay makikipag tulungan at maiintindihan ang sitwasyon natin at makikipag tulungan sa atin sa paghuli sa mga kriminal na ito. HOWIE: Ang MILF ay umamin na kasapi nila itong mga armadong nag-ambush at pumatay sa mga sundalo sa Basilan. Hindi ba 'yan labag sa cease fire sa pagitan ng pamahalaan at MILF? Sec. CARANDANG :Pinag-uusapan ngayon ng dalawang panig 'yan. Mayroon tayong mekanismo kung paano mag-uusap ang panig ng gubyerno at panig ng MILF o ng lower informal technical level at doon nating nireresolba ang mga issue na 'yon. Nagkakaroon din ng konting lapses on the part of the AFP kaya ineembestigahan natin ngayon 'yun. So titignan natin kung ano ang magiging kalalabasan ng imbestigasyon na 'yon… Ang sinasabi natin, ang hinahabol po natin dito hindi dahil sa sila ay MILF o Abu Sayyaf kundi lumabag po sila sa batas at kailangan natin panagutin itong mga ito. Medyo komplikado nga at maraming nuance ang isyung ito at may kompiyansa naman kami na sa pakikipag-usap natin sa MILF ay maiintindahan nila ito at makikipag tulungan sa atin dito sa mga paghuli sa mga criminal elements na ito.

HOWIE: Nabanggit mo ang mga lapses ng militar doon sa Basilan. Ano ang mga nakikita niyo diyan sa Malacanang na lapses ng puwersa ng pamahalaan sa Basilan? Sec. CARANDANG: Iniimbestigahan natin, may mga alegasyon na hindi daw nakipag coordinate ang unit natin ng maayos sa MI, 'di pa natin alam kung totoo 'yan o hindi ngunit tinitignan natin ngayon 'yan. I'm not sure what the outcome of that investigation would be but ang dapat nating gawin dito ngayon ay tignan natin kung paano natin maiiwasan itong ganitong klase ng insidenteng ganito in the future. HOWIE: Ayon sa mga ulat nagakaroon ng mga reinforcements 'yung MILF na nag-ambush sa Army soldiers sa Basilan pero mukhang walang reinforcements naman ang tumulong sa ating militar. Mayroon na bang paliwanag kung bakit mukhang nagkulang sa reinforcements sa militar natin? Sec. CARANDANG: May mga lumalabas na balitang gano'n pero iniinvestigate pa 'yan. Mahirap magsalita ngayon kung totoo nga 'yan o hindi, inaalam pa natin 'yan. Ang mga report na ito ay base sa lumalabas sa mga ibang media pero wala pang conclusion ang ating armed forces doon sa kanilang pag-iimbestiga ditto, so kung maaari hindi muna ako magko-comment dito para hindi mapre-empt kung ano man ang magiging findings ng investigations natin dito. HOWIE: Imbes daw na all-out war, all-out justice daw ang gusto ni Pang. Aquino. Ano bang ibig sabihin ng all-out justice? Sec. CARANDANG: Ang ibig sabihin nito, kasi ang daming panawagan ng nakaraang lingo… ituloy na natin ang giyera sa MILF. Ang paliwanag ni Pang. Aquino ay hindi dapat tayo gumawa ng desisyon na gano'n dahil delikado tayo or dismayado tayo sa nangyari sa ating mga sundalo. Kailangan tayong gumawa ng desisyon na nararapat na based on the facts at ang sinasabi niya hindi natin gigyerahin ang MILF, patuloy ang peace process. Malaki ang pag-asa na magkakaroon tayo ng pangmatagalang kapayapaan kapag tinuloy natin itong peace process. Ang sinasabi lang natin habang umaandar ang ating peace process ay kailangan din natin i-enforce ang ating mga batas, kung mayroong naakusa o naconvict ng murder for example, kidnapping or extortion, katulad ng mga ilang individual na 'yan na hinahabol natin, ay kailangan natin habulin 'yan at labas 'yan sa proseso ng pag-uusap na pangkapayapaan, hinihiwalay natin itong law enforcement operation natin…. Dun sa patuloy nating pag-uusap sa MILF, naniniwala kami na naiintindihan ng MILF 'to at naiintindihan nila na kailangan natin i-enforce ang mga batas at hindi dapat ito i-connect doon sa ongoing peace process, so 'yun ang sinasabi natin sa taong bayan at sa MILF, may pag-asa pa itong peace talks natin at ipagpapatuloy natin ito pero kasabay nito kailangan din nating habulin itong mga lawless elements. HOWIE: Ano ang masasabi ng Palasyo sa demoralisasyon umanong nararamdaman ng mga sundalo dahil sa sunod-sunod na pag-atake sa kanila? Sec. CARANDANG: Dahil dun sa nangyari sa Basilan, maraming tanong ang mga sundalo, at si General (Eduardo) Oban (Chief of Staff) at lahat ng service commanders ay pinapaliwanag sa ating mga sundalo kung ano ang nangyari at pinapaliwanag yung posisyon ng ating pamahalaan na all-out justice. Hindi mo maiiwasan na 'pag may report na mga sundalong namatay, magtatanong din ang ating mga sundalo, ano ba ang nangyari dito? Nagkaroon ba tayo ng problema? Nagkaroon ba tayo ng lapses? At hindi mo rin maiiwasan na may magagalit dun sa MILF, pero 'pag sinasabi mong demoralization, sa tingin ko po ay medyo eksaherado itong sinasabi ng ilan na demoralization at meron po kaming suspetsa na sinasakyan itong issue na ito ng ilang mga elemento na gustong guluhin ang ating Armed Forces. Tama, mayroon tanong ang mga sundalo kung ano ang nangyari dun, nagpapaliwanag naman ang liberato ng ating Armed Forces pero at the same time may mga sumasakay dito para palakihin ang issue para hatiin 'yung ating military. Sa tingin ko, itong issue ng demoralization ay it's not as big as sometimes it’s portrayed by some people to be. HOWIE: Nababalitaan niyo rin itong rumors tungkol sa kudeta, at kung naririnig mo ito ba ay sineseryoso niyo diyan? Sec. CARANDANG: Hindi, may tiwala kami na naiintindihan ng ating mga sundalo ito, may tiwala kami na wala sa kanila ang may gusto ng gulo at naniniwala din sila na ginagawa naman natin lahat ng tama. Sa tingin ko hindi dapat bigyan ng pansin itong mga pinalalaking issue ng iilan na sinasabi demoralization. Mayroon talagang effort ang iilan diyan na palakihin at i-exaggerate ang issue na ito. – KC/HS, GMA News
Tags: milf, peacetalks