Filtered By: Topstories
News

Bilang ng nagugutom na Pinoy tumaas, ayon SWS


Tumaas muli ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa bansa, na ayon sa pinalahuling survey ay umabot na sa 21.5 percent, ayon sa panibagong survey ng Social Weather Stations (SWS). Sa SWS survey noong ika-4 hanggang 7 ng Setyembre, mahigit 4.3 milyong pamilya – isa sa limang mga pamilya o 21.5 percent – ang walang makain sa isang araw sa loob tatlong buwang nagdaan. Ayon sa ulat, tumaas ito ng 7.5 puntos mahigit sa 13-taong average na 14 percent, ang pinakamataas na markang niatala sa ilalim ng dating administrasyong Gloria Arroyo. Higit na mas mataas ang 21.5-percent na hunger rate na ito kumpara sa 15.1 percent noong Hunyo, at sa 20.5 noong Marso. Gayunpaman, inihayag ng SWS na mas mababa pa rin ito mula sa 24 percent noong Disyembre 2009 sa panahon ni Arroyo. Moderate, severe hunger Tumaas ng limang puntos o 18 percent (3.6 milyon) ang mga pamilyang nasa 'moderate' hunger, habang tumaas naman ng 1.5 puntos o 3.5 percent (713,000) naman ang mga pamilyang nasa 'severe' hunger. Ayon sa SWS, ang ibig sabihin ng 'moderate' hunger ay 'maka-isa o paminsan-minsang' pagkakataong hindi nakakakain sa isang araw sa loob huling tatlong buwan; habang ang 'severe' hunger ay 'madalas' o 'palagi.' Ang 28.3 percent hunger rate (2.5 milyong pamilya) o 9.7 sa Balance Luzon (Luzon minus Metro Manila). Sa Metro Manila naman, tumaas ng 10 puntos o 23 percent (647,000 pamilya) ang hunger rate. Tumaas naman ng 8.7 puntos o 13 percent (620,000 na pamilya) ang mga pamilyang nagugutom sa Mindanao, habang 5.7 puntos o 15.3 percent (587,000 pamilya) naman sa Visayas. Mahigit 1,200 adult respondents sa buong bansa ang naging bahagi sa survey na may error margins na ±3% para sa national at ±6% naman para sa area percentages. — Amanda Fernandez/LBG, GMA News