Filtered By: Topstories
News

MILF: P5-M aid hindi ipinambili ng mga armas


Pinabulaanan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar ang kumakalat sa text message na binigyan umano ng gobyerno ang MILF ng P5 bilyong pambili ng mga armas. P5 milyon lamang ang ibinigay ng gobyerno sa MILF para sa leadership training ng mga Bangsamoro. Inihayag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda noong Miyerkules na ang P5 milyon na iabinigay sa MILF ay inilaan na ng administrasyong Arroyo noong 2007 pra sa Bangsamoro Leadership Management Institute (BLMI). Ayon sa ulat ng GMA News, tinanggap ng MILF Peace Panel ang tseke habang nagaganap ang exploratory talks sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang Agosto. Inihayag din ni government peace negotiator Marvic Leonen sa kanyang Twitter account na walang katotohanan ang naturang text message na kumakalat. Sa kanyang opisyal na pahayag nitong ika-23 ng Agosto, kasabay sa exploratory talks sa Kuala Lumpur, itinampok ni Leonen ang pagbibigay ng donasyon sa BLMI. Ayon kay Leonen, "The BLMI is envisioned to be a center of excellence and repository of knowledge in the discipline of human resource development that produces individuals of impeccable character, equipped with exemplary leadership and managerial qualities for the transformation of the Bangsamoro people." Dagdag pa niya, "It is government’s commitment to help in the development of future Bangsamoro leaders and managers who will utilize their political and socio-economic knowledge and skills to improve the situation in the Bangsamoro homeland." Inihayag din ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa kanyang Twitter account na ang pondong ito ay para sa BLMI. Nagsimula ang BLMI noong 2008 matapos makatanggap ng suporta mula sa Asia Foundation, US-funded na grant-giving na organisasyon. Kinilalang Asia Foundation ang BLMI bilang "enhancing leadership capability of Bangsamoro women leaders." Nilinaw naman ni Jaafar, na hindi napunta ang pera kay MILF chairman Al Haj Murad, sapagkat napunta ito sa MILF peace panel. Dagdag pa niya, obligasyon nilang i-ulat sa gobyerno kung saan napunta ang pondo, upang maiwasan ang hindi tamang paggamit nito. — Amanda Fernandez/LBG, GMA News

Tags: milf, basilan