Lovi Poe, nagtampo kay Mother Lily dahil sa ipinadagdag na love scene
Hindi ikinaila ni Lovi Poe na nagtampo siya kay Mother Lily Monteverde dahil sa ipinagdag nitong love scene niya para sa horror movie na Aswang. Sa press conference ng naturang pelikula na dinaluhan ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi ni Lovi na nagulat siya nang malaman niya na maiinit na love scene niya with Paolo Avelino ang kukunan sa additional shooting day. “Biglang tumawag si Mother (Lily), nagpatawag ng isa pang shooting day. Akala ko dagdag na mga aswang scene pero love scene pala yung gagawin," paglalahad ng Kapuso star sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayaw daw gawin ni Lovi ang naturang eksena dahil sa paniwala niya ay hindi ito kailangan sa isang pelikula na ang tema ay katatakutan. Gayunman, ginawa pa rin ni Lovi ang hininging dagdag na love scene ni Mother Lily, at nang makita niya na maganda naman ang kinalabasan ng eksena ay nabawasan daw ang kanyang sama ng loob. Dumalo rin sa naturang presscon si Mother Lily na walang tigil sa pagpuri sa ganda at galing ni Lovi. Idinepensa rin Regal matriarch ang desisyon nila na dagdagan ang love scene sa movie dahil mahalaga raw iyon para sa ikagaganda ng pelikula. Aminado naman si Lovi na maganda ang resulta ng dagdag na love scene dahil lumitaw na hindi iyon karaniwang napapanood sa mga pelikula. – FRJimenez, GMA News