Filtered By: Topstories
News

Pintakasi: Sinaunang kaugalian na nagagamit laban sa militar sa Mindanao?


Inamin ng ilang sundalo na madalas silang nalilito sa kanilang mga nakakalaban sa Mindanao. Hinala nila, bagamat magkakaiba ang mga armadong grupo, kung minsan ay nagsasama-sama ang mga ito dahil sa tinatawag nilang “pintakasi." Sa GMA News State of the Nation nitong Huwebes, inihayag ng news anchor na si Jessica Soho, ang hirap kung papaano maipapanalo ang isang laban kung hindi mo kilala kung sino at nasaan ang kalaban. Isa umano ito sa mga suliraning bumabagabag sa mga sundalo ngayon at tumutugis sa ‘lawless elements’ na naghasik ng serye ng karahasan sa Zamboanga Sibugay at Basilan. May hinala rin ang mga militar na kung minsan ay nagsasanib puwersa ang mga rebelde at ang mga bandido para labanan ang tropa ng pamahalaan. Ayon kay Jessica, madali raw nakapagtatago ang mga tinutugis na rebelde sa mga komunidad dahil madalas ay magkakamag-anak ang mga ito. Ang pagtatago ay isang uri raw kasi ng bayanihan na umiiral sa mga residente doon. “Sa sistemang ito, hindi lang magkakamag-anak ang nagtutulungan, maging ang magka-kaaway. Nagkakaisa kontra sa militar na tinitingnan daw ng lahat bilang kalaban o ‘common enemy’," sabi ni Jessica.
Sa ulat ni GMA News reporter Tina Panganiban-Perez, sinabi nito na hindi na bago para sa Philippine Marines na mapasabak sa mga engkuwentro. Kasama si Capt. Rowan Rimas sa engkuwentro sa Albarka, Basilan, noong July 2007 kung saan 14 sa mga kasama niyang Marines ang namatay, 11 sa mga ito ang pinugutan pa. Matapos lang ang isang buwan, napasabak ulit si Rimas sa engkuwentro sa Tipo-Tipo, Basilan, kung saan 13 marines naman ang namatay. Habang tumatagal daw ang bakbakan, ‘di na raw nila alam kung sino ang kanilang kalaban. Pintakasi, parang bayanihan Ang pintakasi, sa positibong kahulugan ay maitutulad sa bayanihan – ang pagtutulungan ng mga magkakasama sa komunidad. Pero sa isang lugar tulad ng Basilan, kung saan mailap at minsa'y sandali lang ang panahon ng katahimikan, iba ang ibig sabihin nito. Hindi lang daw pagdepensa sa kanilang komunidad ang pakay ng ilang lumalaban sa mga tropa ng pamahalaan. Inaagaw nila ang mga baril at armas ng mga sundalo at ibinebenta sa black market. Malalim na kultura’t tradisyon “Malalim ang ugat ng pintakasi sa kultura, tradisyon, relihiyon at kasaysayan ng Mindanao," sabi ni Soho. Kaya naman daw tila higit pa sa puwersa militar ang kailangan ng gobyerno para magtagumpay ito sa paghahanap ng all-out justice para sa mga napatay na sundalo at sibilyan nitong nakalipas na mga linggo sa Basilan. Sa panayam kay University of the Philippines Institute of Islamic Studies professor Julkipli Wadi, may basehan sa kultura, relihiyon, kasaysayan at taktika ang pagsasanib puwersa ng ilang grupo. Kahit nga raw sibilyan, basta oras nang bakbakan, tutulong at tutulong sa kanyang kaanak. Maski hindi miyembro ng kung anong grupo, kung nasa bundok, may baril din ang mga sibilyan. Kaya minsan, nagagamit sila bilang reinforcements ng kanilang mga kamag-anak. Dahil dito, hindi daw nakapagtataka na kahit mga kabataan ay nagbibitbit ng armas at sumasabak sa mga bakbakan. Nautusan man sila ng kanilang mga magulang, o kusang sumali sa labanan, nakikita raw ng mga kabataan ang mga ipinaglalaban ng kanilang mga magulang. Mahalaga rin daw sa mga grupong ito ang tinatawag na “maratabat" o “self-esteem", na pinaghuhugutan nilang prinsipyo na – sa tagal ng kanilang pakikidigma – para nang kahihiyan sa isang pamilya kung hindi isusulong ng kanyang mga anak ang kanyang ipinaglalaban. —MRT/FRJ, GMA News