Filtered By: Topstories
News

Arroyo, kokondenahin daw ng kasaysayan kapag ‘tumakas’


MANILA – Nagbabala ang isang kongresista na kokondenahin ng kasaysayan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sakaling payagan itong makabiyahe sa ibang bansa at hindi na bumalik sa Pilipinas. Sa kabila ng pagtiyak ng mga duktor na bumuti na ang lagay ng kalusugan ni Arroyo, sinabi ni Quezon Rep. Lorenzo Tanada III, tagapagsalita ng Liberal Party (LP), na dapat pa rin bigyan ng pagkakataon ang dating pangulo na makapagpatingin sa mga dalubhasa sa ibang bansa. “However, if she refuses to return, then obviously she is guilty and will be condemned by history," babala ni Tanada. Inaasahan na sa susunod na linggo ay makapagbibigay na ng desisyon si Justice Sec Leila De Lima, kung pahihintulutan sina Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, at mister niyang si Atty Jose Miguel Arroyo, na makalabas ng Pilipinas. Isinailalim ng DOJ sa hold departure order (HDO) ang mag-asawang Arroyo dahil sa mga kasong kinakaharap nito, kabilang na ang alegansyon ng pandarambong. Una rito, inihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na sisimulan ng pamahalaan ang pagsasampa ng malalakas na kaso laban kay Gng Arroyo sa Nobyembre. Ngunit sa dami ng bansa na planong puntahan ni Gng Arroyo, tila nagdududa sina partylist Reps Antonio Tinio (ACT) at Neri Colmenares (Bayan Muna), sa tunay na intensyon nitong lumabas ng Pilipinas. “President Aquino should not allow GMA to travel. The very itinerary that she has submitted, which will take her through Singapore, Spain, Germany, Italy, and the US in a month-long trip casts doubt on her alleged purpose of seeking medical treatment," ayon kay Tinio. “Such a schedule would be taxing even for a healthy person. Perhaps GMA is not being entirely transparent about the purpose of this trip. Given the implausible nature of her request and the gravity of the charges against her, Malacañang would do well to deny it," dagdag niya. Iginiit din ni Colmenares, na kayang gamutin sa Pilipinas kung anuman ang karamdaman pa ni Arroyo dahil mahuhusay ang mga duktor dito at sapat din naman ang pasilidad ng mga ospital. “Her treatment abroad should be a last resort and should be based on the findings of a team of reputable independent doctors and with a guarantee of her return," paliwanag niya. Una rito, sinabi ni Cavite Rep. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr., secretary general LP, na dapat payagan lamang si Gng Arroyo na bumiyahe sa mga bansa na mayroong extradition treaty ang Pilipinas. - GMA News