Filtered By: Topstories
News

Babae, binaril, patay sa Baguio City; nagmalasakit na pamangkin, idinamay ng suspek


BAGUIO CITY – Patay ang isang 48-anyos na ginang at ang kanyang pamangkin matapos silang barilin ng hindi nakilalang suspek sa loob ng isang video bar sa bayang ito nitong Biyernes ng gabi. Dead on the spot si Fely Kimpay, 48-anyos, at may-ari ng Fely’s Videoke Bar sa 2nd Kayang St., Baguio City. Samantala, binawian naman ng buhay sa ospital ang pamangkin nito na kinilala pa lamang sa pangalang Jovy. Napag-alaman na bukod sa pagiging negosyante, si Kimpay ay presidente ng isang asosasyon ng mga mangangalakal at team leader ng mga volunteer marshal na sumasakop sa anti-peddling task force sa lungsod. Sa inisyal na imbestigasyon, dumating ang biktima sa kanyang painuman dakong 6:00 p.m. kasama ang ilang kaibigan. Hindi nagtagal ay dalawang lalaki ang dumating at umupo sa isang lamesa na katabi lang ng inuupuang lamesa ni Kimpay. Umorder pa umano ng inumin ang dalawang lalaki at pagkaraan ng ilang saglit ay lumapit ang isa sa kanila kay Kimpay at binaril ito sa ulo ng malapitan. Nang makita umano ni Jovy ang nangyari sa tiyahin, tinangka nitong habulin ang papaalis na suspek pero siya naman ang binaril at tinamaan sa katawan. Isinugod si Jovy sa ospital pero pumanaw ito habang nilalapatan ng lunas. Sinabi ni Chief Inspector Henry Domogan, hepe ng Police Station-7, na may anggulo na silang nakikita ngunit tumanggi muna itong idetalye. Posible rin umano na mga profession gun for hire ang pumatay sa mga biktima. Napag-alaman na nasa ibang bansa ang asawa ng biktima at naiwan ang nag-iisa nitong anak na babae na walong-taong-gulang pa lamang. - TP/FRJ, GMA News