Filtered by: Topstories
News

Pagbabalik ng death penalty, dapat daw pag-aralan na


MANILA – Kasabay ng pakikiramay sa pamilya Revilla, inihayag ni dating Surigao del Norte Rep Robert Ace Barbers na dapat pag-aralan na ng Kongreso ang pagbuhay sa parusang kamatayan sa mga sangkot sa heinous crimes. Sinabi ni Barbers na ang kaso ni Ram Revilla, anak ni dating Sen Ramon Revilla Sr, at half-brother ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., ay dagdag sa datos ng dumaraming kaso ng karumal-dumal na krimen. “Sobrang brutal na ngayon ang mga kriminal, sobrang lakas ng loob kasi alam nila na if ever mahuli, makukulong lang sila. Kapag sinuwerte pa ang mga ‘yan, mabibigyan ng parole at makakalaya," paliwanag ng dating kongresista na naging gobernador din sa kanyang lalawigan. Bagaman binibigyan halaga umano ni Barbers ang pananaw ng mga pro-life group na dapat bigyan ng pagkakataon ang kriminal na magbagong-buhay, iginiit niyang dapat ding bigyan halaga ang hinihinging katarungan ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen. “Naniniwala kasi ako na kung may death penalty at tuloy-tuloy na naipapatupad ito, magiging deterrent ‘yan. Yung mga gagawa ng malagim na krimen, magdadalawang isip kapag nakita nila kung ano ang parusang sasapitin nila kapag nahatulan sila," diin niya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa naunang panayam kay Sen Bong Revilla, kinondena nito ang pagpatay sa kanyang kapatid. Tiniyak ng senador na hindi nila titigilan ang mga nasa likod ng krimen na tinawag niyang karumal-dumal. “So far wala kaming makuhang lead kaya talagang nakakalungkot at nagbigay na tayo ng pabuya o reward kung sino ang makapagtuturo dito sa mga suspek na ito. Talagang sobrang karumal-dumal ang pagpatay nila dito sa aking kapatid," pahayag ng senador sa panayam ng Startalk nitong Sabado. Idinagdag ng senador na lumalala ang problema ng bansa sa peace and order na dapat bigyan-pansin ng pulisya. Sakaling ibalik ang parusang kamatayan, sinabi ni Barbers na ang mga masasangkot lamang sa heinous crime ang dapat bitayin. Kailangan din umanong dagdagan ang proseso sa pagrebisa ng mga kaso para matiyak na ang mabibitay ay tunay na nagkasala. Unang ibinasura ang death penalty nang maupo sa puwesto si dating pangulong Corazon Aquino noong 1986. Pero dahil sa pagtaas ng mga karumal-dumal na krimen noong 1990’s, pinirmahan ni dating pangulong Fidel Ramos ang batas na nagbabalik sa parusang kamatayan noong 1993. Sa panahon ni dating pangulong Joseph Estrada, nagpatupad ito ng moratorium sa pagbitay simula noong 1999. Tuluyang nabasura ang death penalty nang magpasa ang Kongreso ang batas at lagdaan ito ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006. Bukod sa pagbabalik ng parusang kamatayan, sinabi ni Barbers, national chairman, ng the Public Assistance and Reaction Against Crime (PARAC), na kailangan palakasin rin at bigyan ng suporta ng pamahalaan ang mga anti-crime groups na makatutulong ng pulisya sa pagpigil at paglutas ng mga krimen. “Kulang ang mga pulis natin para bantayan ang mga tao at maghanap ng mga wanted. Kailangan ng mga pulis ang tulong ng sibilyan at mga barangay units para sa peace and order," pahayag niya. Bukod sa pagpatay kay Ram Revilla nitong Biyernes ng hatinggabi, tatlong katao rin ang nasawi sa bank robbery na naganap sa Cavite nitong Sabado ng umaga matapos looban ang isang mall. Bago nito, naging laman ng balita kamakailan ang paggahasa at pagpatay sa 19-anyos na mag-aaral sa UP Los Banos na si Given Grace Cebanico at ang pagmasaker sa isang buong pamilya sa San Pablo, Laguna. Sa kabila ng mga napaulat na karumal-dumal na krimen, inihayag ng pulisya na bumababa ang crime index sa bansa sa nakalipas na mga buwan. -- GMA News
LOADING CONTENT