Filtered By: Topstories
News

LWUA, inilipat ni PNoy sa DPWH


Ipinag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III ang paglipat ng Local Water Utilities Administration sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa Department of Health (DOH). Nakasaad ang kautusan sa Executive Order No. 62 na kanyang pinirmahan nitong ika-26 ng Oktubre, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Linggo. Ayon sa EO, kinakailangan ng “concerted and well-coordinated effort" sa pagbuo ng mga polisiya at pagpaplano at pagpapatupad ng mga programa’t proyekto para sa water sector. Sa pamamagitan din ng EO, binigyang kapangyarihan ni Aquino ang DPWH na pangasiwaan ang mga proyekto ng LWUA. Inatasan na ni Aquino ang mga kalihim ng Finance, Public Works and Highways, at Health departments na umupo bilang miyembro at kinatawan ng gobyerno sa Board of Trustees ang LWUA. "The foregoing ex-officio members may designate their respective alternates who shall be officials next-in-rank, and whose acts shall be considered the acts of their principals," anang EO. Samantala, inatasan na rin ni Aquino ang DPWH secretary na pamunuan ang Inter-Agency Committee on the Water Sector na siyang magre-rekomenda sa Pangulo ng isang "water sector master plan" na siyang tutugon sa mga problemang kinahaharap ng water sector. Ihahanda na rin ng Committee ang nararapat na organizational structure ng mga kasapi ng agency upang mas maging mabisa ang water sector master plan. Kabila sa Committee on Water Sector ang:

  • National Economic and Development Authority
  • Department of Budget and Management
  • Department of Interior and Local Government
  • Office of the President Ang DPWH, kabilang na ang mga nabanggit na ahensiya, ay inatasang bumalangkas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa mas mabisang implementasyon ng EO 62. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News
  • Tags: lwua, dpwh