Filtered By: Topstories
News

Mga sementeryo, nanatiling payapa ngayong Undas - PNP


Sa kabila ng pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo ngayong Undas, nanatiling payapa pa rin ang kapaligiran, ayon sa Philippine National Police nitong Lunes. Bawat taon, karamihan sa mga Pilipino ang dumadayo sa mga sementeryo upang magbigay respeto sa kanilang mga namayapang minamahal. Nobyembre 2 pa ang All Soul's Day ngunit dumaragsa na ang mga katao Nobyembre 1 pa lamang o mas maaga pa. Ayon sa ulat ni Rodil Vega para sa radio dzBB, wala pang naitalang insidente ang kapulisan sa Manila South Cemetery, isa sa pinakamalaking sementeryo sa bansa na may kabuuang bilang na 52,234 na libingan. Sa kabilang banda, inaresto naman ang isang "Elmer," 55, dahil sa pagdadala umano ng dalawang sachet ng methaphetamine hydrochloride (shabu), ayon sa ulat ni Carlo Mateo para sa radio dzBB. Nasa ilalim na ng Philippine National Police si Elmer, ayon sa ulat. Isa sa pinakamalaki at pinakalumang sementeryo sa Metro Manila ang Manila North Cemetery na may sukat na 54 hectares. Matatagpuan ito katabi sa dalawa pang mahalagang sementeryo: La Loma Cemetery at Manila Chinese Cemetery. Ayon sa website ng Manila Cemetery, ilan sa mga nakalibing sa Manila North Cemetary ay mga kilalang tao tulad nina:

  • Jose Maria Basa (1839-1907), propagandist at kaibigan ni Dr. Jose Rizal
  • Jose Corazon de Jesus (1896-1932), poet, kilala bilang Huseng Batute
  • Felix Resurreccion Hidalgo (1853-1913), pinto
  • Arsenio Lacson (1911-1962), dating Manila mayor
  • Ramon Magsaysay (1907-1957), dating Pangulo ng Pilipinas
  • Sergio Osmeña (1878-1961), dating Pangulo ng Pilipinas
  • Fernando Poe Sr. (1916-1951), movie actor
  • Fernando Poe Jr. (1939-2004), movie actor, presidential candidate at National Artist
  • Claro M. Recto (1890-1960), dating senador
  • Manuel A. Roxas (1892-1948), dating Pangilo ng Pilipinas, at
  • Pancho Villa (1901-1925), boxer Samantala, mas kaunti na ang mga nag-uuwian sa kani-kanilang mga probinsya nitong Lunes. Sa Araneta Bus Terminal sa Quezon City, mahigit 900 na lamang ang mga pasahero kung ikukumpera sa 3,000 na pasahero nitong Biyernes, ayon sa ulat ni Paulo Santos para sa dzBB. Undas Online Samantala, inilunsad na ng Catholic Bishops Conference of the Philippines nitong linggo ang isang website -- Undas Online -- para sa mga naninirahan sa ibang bansa o kahit sinumang hindi makabisita sa kanilang mga namayapang minamahal sa sementeryo. Kabilang sa site na ito ang ilang panalangin para sa mga namayapa tulad ng:
  • Chaplet for the Faithful Departed;
  • Order of Visiting a Cemetery, at
  • Prayers for the Dead. Ayon sa blog ni Father Roy Cimagala sa Undas Online, "Thanks to our long Christian tradition, our thoughts go to those who have gone ahead of us, whose remains we visit in the cemeteries or columbaries." "We should not be afraid of death. In fact, we have to expect it and prepare ourselves for it. It cannot be avoided anyway. But even more significant is that we have to realize that we need it. Therefore, our attitude should be that of longing for it, and not just waiting for it and even wanting to escape from it," kanyang isinulat. Paalala para sa kalusugan Sa pagdagsa ng mga Pilipino sa mga sementeryo, nagpayo ang Department of Health (DOH) na mag-ingat laban sa mga sakit tulad ng sipon, heat stroke, at food poisoning. Ayon sa DOH, ubo at sipon ang kadalasang sakit ngayon dulot ng paiba-ibang panahon, ayon sa ulat ng dzBB nitong Lunes. Binalaan naman ng DOH ang kabataan at ng mga nakatatanda na mag-ingat sa heat stroke sapagkat nakakamatay ang sakit na ito. Ayon sa Medicine.Net, ang heat stroke ay isang klase ng hyperthermia kung saan biglaang tumataas ang temperatura ng katawan. "Heat stroke is a medical emergency and can be fatal if not promptly and properly treated," ayon sa site. Samantala, payo naman ng DOH sa mga magdadala ng baon sa sementeryo, iwasan ang pagkain na madaling masira tulad ng gata. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News