Filtered By: Topstories
News

Nakababatang kapatid ni Ram Revilla, inaresto


Nasa pangangalaga na ng mga pulis ang nakababatang kapatid ni Ramgen "Ram" Revilla nitong Lunes ng gabi, ayon sa ulat ng "Unang Hirit" ng GMA News nitong Martes ng umaga. Dinala agad si Joseph Bautista, 18, sa fourth floor ng Parañaque City Police Station upang mailayo sa media. Nauna nang inaresto ang dalawang suspek na kinalala lamang ng mga pulis bilang Micheal at Francis, ayon sa ulat. Sa panayam ni Arnold Clavio kay Parañaque City Police chief Senior Superintendent Billy Beltran, inihayag ang pag-aresto kay Bautista. Aniya, “Kagabi po ay inimbitahan na po namin siya pero napilitan na po kami. Pero arrested po siya in short, sir." Mayroon umang kinalaman si Baustiata sa naganap na pagpatay, ayon sa pulis. "Wala pong panlalaban na ginawa [si Bautista], talaga pong voluntary pong sumama sa amin," aniya. Inihayag ni Beltran na mayroon umano silang "solid evidence" laban kay Bautista. Dagdag pa nito, ayon sa awtoridad, una nilang tinignan ang anggulo ng robbery, politics o romantic jealousy bilang motibo, ngunit ngayon, gagamitin na ang anggulo ng "personal feud" bilang motibo sa pagpatay. "Tinitingnan na po namin yung anggulo na personalan. Pero hintayin nyo po sana na maipresenta namin ang kaso namin sa piskalya at mainformahan ko ang aking mga bosses bago maibigay po ang ibang detalye," aniya. Dumating ang lola ni Bautista sa police station ng mga 2 a.m. nitong Martes upang ihayag ang kanyang pagkagulat sa pagsama ng kanyang apo sa imbestigasyon. "Siyempre wala tayong magagawa, pulis yan eh, inimbita ka, sumunod tayo sa batas," aniya. Sumunod namang dumating si Atty. Ricardo Garrido, abogado ni Bautista, ngunit tumanggi siyang magbigay ng pahayag. Guns for hire Ayon sa police task force, maaaring mahigit 8 na katao ang isang buwang nagplano sa pagpatay kay Ramgen. Pahayag ni Chief Inspector Enrique Sy, pinuno sa task force investigation sa pagpatay kay Revilla, ang 8 umano na katao ay "guns for hire," ngunit tinanggihan niyang pangalanin ang tinuturong mastermind. "Our initial investigation shows the killers were guns for hire and were contracted to kill Revilla. There are seven or eight of them. Our witnesses claim the seven to eight talked among themselves to plan the killing," ani Sy sa panayam ng dwIZ radio. Patay si Ramgen, 22, half-brother ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., matapos mabaril at masaksak sa kanyang bahay sa BF Homes Parañaque nitong Oktubre 28. Nabaril din ang kasintahan ni Ram sa mukha at balikat ngunit nakaligtas mula sa pag-atake. Ayon kay Sy, nanatili pa rin siya sa intensive care ngunit nakabigay na ng pahayag sa mga imbestigador. Inihayag din Sy na mula sa 8 na suspek, isa o dalawa lang ang nakapasok sa loob ng bahay habang ang iba ay nagng look-out lamang. "Ang ating witness na kasama doon sa stage ng planning kasama siya pero di kasama sa pag-execute ng plan," aniya. Ayon kay Sy, maaaring hindi nakatanggap ng mga banta si Revilla bago ang kanyang pagpatay. Tinanggahin ni Sy na pangalanin ang mastermind ngunit inihayag niya na ito “hindi masyadong kilala." — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News

Tags: ramrevilla