Filtered By: Topstories
News

De Lima: Ligot couple, maaaring lumitaw matapos ang long weekend


Inaasahan ni Justice Secretary Leila de Lima na lilitaw sina dating military comptroller Jacinto Ligot at ang kanyang asawang si Erlinda matapos ang long weekend upang harapin ang kanilang kasong tax evasion. Ayon kay De Lima, posibleng magbabayad na lamang ang mag-asawa ng P20,000 na pyansa upang maiwasan ang pag-aresto. Inihain ng Court of Appeal ang kaso laban sa mga Ligot matapos silang mahuli sa paglabag ng Articles 254 at 255 ng National Internal Revenue Code kung saan hindi sila nagbayad ng kanilang buwis sa taong 2002 hanggang 2004. "We anticipate that they will surface on Wednesday or thereabouts after the long weekend and post bail," inihayag ni De Lima sa isang text message nitong Lunes. "In any case, my instruction to the NBI [National Bureau of Investigation] is once found, the Ligots should be brought to the NBI for processing and detention," dagdag niya. Inatasan na ni De Lima ang NBI, na nasa ilalim ng DOJ, na arestuhin ang mag-asawa "as soon as possible." Sinampahan ang Ligots ng tax evasion matapos ang hindi nila pagdeklara ng kanilang income tax return para sa taong 2003 na umaabot ng P87,918,732.36 (para kay G. Ligot) at P77,449,052.03 (para kay Gng. Ligot), o ang kabuuang P165,367,784.39. Ayon sa korte, "a total deficiency tax for the taxable year 2003 in the amount of P153,198,911.32, exclusive of interest and penalty charges, to the damage and prejudice of the Government." Subalit, matapos lumabas ang utos ng pag-aresto, hindi na matagpuan ang mag-asawa, kung kaya, inatasan ni De Lima na hanapin ng NBI ang dalawa. Binalaan na rin ni De Lima ang mga tutulong sa mga Ligot sapagkat maaari rin silang masampahan ng "charges of obstruction of justice." Sinubukan nang makipag-ugnayan ng DOJ sa pamilya ng mag-asawa upang matagpuan ang dalawa. Mga ari-arian sa US Sa isang naunang pagdinig ng Senado, napag-alamang mayroong multi-milyong-peso na ari-arian ang mag-asawa, kabilang na ang ilan sa US. Sa pagsisiyasat ng Senado, mayroong mga ari-arian ang mag-asawa sa Makati City at sa US, ayon sa tala ng Bureau of Internal Revenue (BIR). "She [Gng. Ligot] also purchased several properties, including the Paseo Parkview Tower II condominium unit at Salcedo Village in Makati City; a $322,181 real property at No. 1240 Cabernet Circle, Anaheim, California, USA; and a $599,500 house and lot at 7102 Stanton Avenue, Buenas Park, California," ayon sa BIR. Ginamit umano ni Gng. Ligot ang kanyang apelyido sa pagkadalaga sa kanyang mga ari-arian. Iginiit naman ni G. Ligot na wala siyang malay na mayroong mga ari-arian ang kanyang asawa sa US. Nauna nang naghain ang BIR ng kasong tax evasion laban sa Ligots sa hindi nila pagbayad ng buwis sa taong 2001 hanggang 2004 na umaabot ng P428 milyon. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News