Filtered By: Topstories
News

2 kapatid, nahaharap sa murder raps ukol sa pagpatay kay Ram Revilla


Sinampahan ng reklamong murder at frustrated murder ang dalawang kapatid ni Ramgen "Ram" Revilla kaugnay ng pagpatay sa kanya at sa pagbaril sa kasintahan nito. Nananatiling nasa ospital si Janelle Manahan. Ayon sa kapulisan, mayroon umanong "star witness" na tinuturo ang kapatid ni Ram na si Ramon Joseph "RJ" Bautista, 18, bilang mastermind sa naganap na pagpatay. Idinawit din ang isa pang kapatid na si Ramona Bautista, 20, na kasabwat umano ni RJ.

Sa isang press conference nitong Martes, inihayag ng kapulisan na inihain na ang reklamong murder at frustrated murder laban sa magkapatid na Ramona at RJ. Nasampahan na rin sina Michael Altea at Roy Francis Tolisora, na inaresto na ng mga pulis. Kasalakuyan pang pinaghahanap sina Ramona at tatlo pang suspek. Si RJ naman, nasa pangangalaga na ng kapulisan. Ayon sa mga pulis, itinuro ng "star witness" na si Ruel Puzon si RJ bilang mastermind sa pagpatay kay Ram at nagbayad umano ng P200,000 para sa pagsagawa ng krimen. “‘Yung pito ay nag-conspire sa isa’t isa, pinlano nila ‘yung pagpatay kay nasirang Ramgen. Nag-usap-usap sila at ito nga ay pinatunayan ng ating witness," inihayag ni Chief Inspector Enrique Sy, pinuno ng task force na nag-aasikaso sa kaso ni Revilla, sa "24 Oras." Kabilang umano si Puzon sa pagplano ngunit hindi na sumama sa aktwal na pagpatay. Lumitaw si Puzon matapos makonsensiya sa naganap na krimen. Kasabwat umano ni Ramona si RJ, na nagkunwaring na-kidnap ng mga suspek habang pinatay ang kanilang kapatid, ayon sa pulis. Sa kabilang banda, hindi pa masabi ng kapulisan kung sino ang bumaril at sumaksak kay Ram. Ngunit siguro na sila na ang naging motibo sa pagpatay ay awayang magkakapatid lamang. Nanawagan na ang kapulisan kay Ramona at sa tatlong iba pang suspek na sumuko at tumulong na lamang sa imbestigasyon. Nauna nang ipinaalam ng pamilyang Revilla ang kanilang pagkagulat sa pagkakaroon ng kinalaman ni RJ sa pagpatay sa kanyang kapatid. Half-brother ni Sen. Revilla sina Ram at RJ. Anak ng dating Senador Ramon Revilla Sr. kay Genelyn Magsaysay si Ram at RJ habang si Sen. Bong Revilla Jr. naman anak din ng kanyang ama kay Azucena Mortel. Samantala, nasa stable condition na si dating Senador Ramon Revilla Sr. matapos na isinugod sa ospital. Dinala siya sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City matapos pinagtatanong ng mga pulis si RJ sa pagkamatay ng kanyang nakatatandang kapatid na si Ram. Ipinagtanggol naman ni Laddielyn Madrigal, lola ni RJ, ang kanyang apo. “Imposible, kasi kasama siya sa papuntang Baguio na pupuntahan nila ang recognition sa PMA sa isang kapatid. Kaya nagtataka kaming lahat. Pero siyempre wala tayong magagawa. Pulis iyan, inimbita ka, sumunod tayo sa batas," kanyang inihayag sa panayam ng 24 Oras. “Noong maliliit sila, talagang close silang lahat. Noong lumalaki sila, may jealousy, siyempre. Pero not to the extent na gagawa naman itong bata ng gano’n," dagdag niya. Ililibing na ang labi ni Ramjen nitong 2 p.m. ng Miyerkules. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
Tags: ramrevilla