Filtered by: Topstories
News

Kaso ni Ram Revilla, nais ni Sen Bong na imbestigahan muli


MANILA – Matapos ideklara ng pulisya na nalutas na nila ang kasong pagpatay sa batang aktor na si Ram Revilla, nais naman ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., na muling imbestigahan ito dahil sa pagkakadawit ng iba pa niyang kapatid sa ama. “Sana siguraduhin ng ating awtoridad na tama ang kanilang imbestigasyon at tama po ang mga witnesses, dahil napakabigat po para sa mga biktima at mga magiging biktima pa na inosente," pahayag ni Sen Bong sa media nitong Miyerkules matapos ilibing si Ram. Batay sa imbestigasyon ng Parañaque City Police, sangkot sa planong pagpatay kay Ram ang mga kapatid nitong sina Ramon Joseph "RJ" Bautista, 18, at Ramona Revilla, 21.
Si Ramona ay sinasabing “dinukot" ng mga taong pumaslang kay Ram noong Biyernes bago maghating-gabi sa kanyang bahay sa Paranaque at pagkatapos ay iniwan ang dalaga sa Las Pinas.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ngunit duda ang mga pulis sa kuwento ni Ramona at mayroon umanong testigo na nagsasabing kasama ito sa nagplano sa pagpatay sa biktima. “Matibay po (ang kaso) dahil meron tayong vital witness na nagsasabi na kasama siya sa pagpaplano dun sa pagpatay at nakita niyang ibinigay ng ating suspect ang pera para pambili ng mga baril na gagamitin sa pagpatay," ayon kay Chief Inspector Enrique Sy, head ng task force na nagsisiyasat sa kaso. Iginiit ng opisyal na masusi ang ginawa nilang imbestigasyon at hindi nila ito minadali. Samantala, may hinala umano ang ina ni Ram na si Genelyn Magsaysay, sa taong posibleng nasa likod ng pagpatay sa kanyang anak pero tumanggi siyang idetalye. Mariin din ang depensa niya sa dalawa pa niyang anak na na sina Ramona at RJ na isinasangkot sa pagpatay sa kanilang kapatid na si Ram. Bagaman nagkakaroon umano ng hidwaan ang magkakapatid, imposible umanong magsabwatan ang mga ito para ipapatay ang isa sa kanila, ayon kay Gng Genelyn. Wala rin umanong katotohanan ang mga ulat na tumatanggap ang kanyang pamilya ng P1 milyong allowance ang kanyang pamilya. “May mga difference kami sa bahay namin, Oo meron pero hindi kayang gawin ng mga anak ko na patayin ang sarili nilang kapatid," emosyunal niyang pahayag. - FRJ, GMA News
Tags: ramrevilla
LOADING CONTENT