Filtered By: Topstories
News

Deployment ban ng OFWs sa ilang bansa, suportado ng ilang mambabatas


MANILA – Suportado ng ilang mambabatas ang desisyon ng pamahalaan na ipagbawal ang pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga bansang kulang ang batas para protektahan ang mga dayuhang manggagawa sa kanilang lugar. Sa magkahiwalay na panayam, nagpahayag ng pag-asa sina Akbayan party-list Rep. Walden Bello, pinuno ng House committee on overseas workers affairs, at Northern Samar Rep. Emil Ong, pinuno ng House committee on labor and employment, na makatutulong ang naging pasya ng pamahalaan para lalong mapangalagaan ang mga OFW. Iginiit nila na patuloy na dumadami ang mga Pilipino na nakikipagsapalaran sa aborad kaya dapat ding paigtingin ng gobyerno ang paghahanap ng paraan para maprotektahan ang kanilang karapatan at kaligtasan. “We have to balance their security and livelihood. We are not sending our OFWs to a foreign country just to be raped or to be hurt. But, we are giving some countries in the Middle East and other nations a chance to amend their laws to ensure the protection of our OFWs," ayon kay Bello.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Inihayag naman ni Ong na nakasaad sa Saligang Batas na ang pangangalaga sa kapakanan ng lahat ng Pilipino ang dapat unang tutukan ng gobyerno. “The safety of the life of our people is the primary concern of the State as provided by our Constitution which provides that the safety and general welfare of the Filipino people shall be the primary concern of the State," aniya. “But, equally provided by our Constitution is the freedom to travel unless prohibited or on order of the court. Hence, I believe if said OFW waived the protection of the state and travel at his own risk, they should be allowed to do so in pursuit of their job," paliwanag ni Ong. Nitong Miyerkules, naglabas ng dalawang resolusyon ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tumutukoy sa 49 na bansa na tuloy ang pagpapadala ng mga OFW, at 41 iba pang bansa na paiiralin ang deployment ban. Ang pagpapalabas ng naturang resolusyon ay alinsunod sa itinatakda ng Republic Act 10022 o Migrant Workers Act, na naglalayong protektahan ang mga migranteng manggagawa. Hindi naman kabilang sa ban ang mga international companies na nasa listahan ng 41 bansa na nagpahayag na poprotektahan ang kapakanan ng mga dayuhang manggagawa. Sa talaan ng Department of Labor and Employment (DOLE), lumitaw na mayroong mga international company sa 22 bansa na kabilang sa nakalistang 41 bansa na ipagbabawal ang pagpapadala ng mga OFW. Maglalaan ng anim na buwan na taning ang POEA Governing Board para sa isasagawang negosasyon sa mga bansang kasama sa deployment ban upang makabuo ng bilateral labor agreements (BLA) para sa pangangalaga ng kapakanan ng mga migranteng manggagawa. “We gave them a grace period of six months to revise their labor codes and they are receptive to this. We are trying to balance safety and livelihood," ayon kay Bello. Gayunman, ilang OFWs ang nangangamba sa deployment ban dahil baka hindi na sila makabalik sa kanilang trabaho sa bansa na kanilang pinuntahan. - GMA News