Filtered By: Topstories
News

P1M allowance sa pamilya ni Ram, itinanggi ni Sen Bong Revilla


MANILA – Ipinauubaya ni Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., sa pulisya ang paglutas sa kaso ng pagpatay sa kanyang kapatid na si Ram o Ramgen. Pero itinanggi ng mambabatas na may tinatanggap na P1 milyong allowance ang pamilya ng kanyang pinaslang na kapatid sa ama. Nitong Biyernes, sinabi ni Sen Bong na mahirap na para sa kanya na magkomento pa sa kaso lalo’t nasasangkot na rin bilang akusado sa pagpatay kay Ram ang mismong mga kapatid nito na sina Maria Ramona (Mara) at Ramon Joseph (RJ). Sina Ram, Mara at RJ, ay mga anak ni dating Sen Ramon Revilla Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Sen Bong, wala siyang personal na nalalaman sa tunay na relasyon ng magkakapatid na Ram, Mara at RJ. Pero itinanggi nito na may P1 milyong allowance ang pamilya ni Genalyn mula sa kanyang ama na si dating Sen Revilla Sr. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, personal ang lumalabas na dahilan kaya pinatay si Ram. Ito ay batay umano sa testimonya ng mga testigo na hindi maganda ang relasyon ng mga magkakapatid. Kasunod nito, lumabas naman ang espekulasyon na posibleng may kinalaman ang hatian sa allowance na siyang ugat ng away ng mga anak ni Genalyn. Ngunit itinanggi ni Genalyn na may nakukuha silang P1 milyong allowance at hindi rin ito naniniwala na may kinalaman ang dalawa niyang anak sa pagkamatay ni Ram na sinasabing paborito ni Revilla Sr. “Ayaw ko nang magsalita sa away away nila eh. Kung ano man ang pinagmulan nun, hindi ko alam," pahayag ni Sen Bong, na nagsabi ring hindi niya alam kung saan nanggaling ang ulat na P1 milyong allowance. Nilinaw din ni Sen Bong na hindi niya pinoprotektahan ang mga kapatid na nasasangkot at ang tangi niyang hangad ay lumitaw ang katotohanan para mapanagot sa batas ang tunay na nasa likod ng pagpatay kay Ram. “Gusto lang natin malaman kung sino talaga gumawa nito dahil kung iyong bata naman eh inosente, itong naa-accuse ngayon eh kawawa naman," pahayag ng senador. - GMA News
Tags: ramrevilla