Filtered by: Topstories
News

8 Pinoy tinatamaan ng HIV bawat araw, ayon sa mambabatas


MANILA – Patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nagtataglay ng nakamamatay na sakit na HIV/AIDS sa bansa. Nitong Setyembre, umabot sa walong Pinoy bawat araw ang nagkaroon ng human immunodeficiency virus (HIV), ayon sa isang kongresista. Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni LPG Marketers’ Association party-list Rep. Arnel Ty, na nadagdagan ng panibagong 253 kaso ng HIV sa bansa nitong Setyembre, mas mataas ng 65 porsiyento kumpara sa 153 kaso na naitala sa katulad na buwan noong 2010. Sa datos ng National Epidemiology Center (NEC), sinabi ni Ty na 240 sa bagong HIV cases ay mga lalaki at 13 ang babae. Patuloy niya, 57 porsiyento ng mga nakaroon ng HIV ay nasa edad 20 hanggang 29. Samantala, 53 porsiyento ng mga kaso ay naitala sa Metro Manila. Lumitaw din sa talaan na 16 sa mga dinapuan ng HIV ay mga overseas Filipino workers (OFWs) — 11 ang lalaki at lima ang babae, ayon kay Ty. “The September cases were the highest ever passively detected in a month, and topped by 24 percent the previous record of 204 infections, or seven cases daily, reported in July," ayon kay Ty. Sa listahan umano ng National HIV and AIDS Registry, umabot na sa 7,684 ang kaso ng nakamamatay na sakit sa bansa, kunsaan 936 ay full-blown AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome) na. Sa naturang bilang ng full-blown AIDS, sinabi ni Ty na 36 porsiyento sa mga ito ay pumanaw na. Idinagdag sa talaan ng National HIV and AIDS Registry, na 91 porsiyento ng mga nagkasakit ng HIV-AIDS ay bunga ng kawalan ng proteksiyon sa pakikipagtalik. Ang iba pang dahilan ng pagkalat ng sakit ay sa pamamagitan ng kontaminadong karayom na ginagamit ng mga drug user, pagsasalin ng kontaminadong dugo at pagbubuntis ng ina na carrier ng sakit. Sinabi pa ni Ty na tumaas rin ang bilang ng mga donasyong dugo na kontaminado ng HIV. Mula sa 104 units ng voluntary donated blood na positibo ng HIV sa unang siyam na buwan noong 2010, umabot ito sa 152 units nitong 2011. Una nang nagbabala ang Philippine National AIDS Council na kung hindi mapipigilan, posibleng umabot sa 46,000 Pinoy na maaaring magkaroon ng HIV pagsapit ng 2015. Kabilang si Ty sa limang mambabatas na naghain ng panukalang batas na naglalayong paigtingan ang kampanya kontra sa nakamamatay na sakit. Kabilang dito ang pagpapalakas sa AIDS Prevention and Control Law, at paglalaan ng karagdagang P400 milyong pondo. - FRJ, GMA News
Tags: aids, hivvictims
LOADING CONTENT