Filtered By: Showbiz
Showbiz

Sen Bong Revilla, nagulat sa pag-alis ng kapatid na si Ramona


Nagpahayag ng pagkadismaya si Sen Ramon “Bong" Revilla Jr. sa ulat na lumipad nitong Biyernes ng gabi patungong Hong Kong ang kapatid sa ama na si Ramona Bautista, na idinadawit sa pagpatay kay Ram Revilla. “Natanggap ko ang impormasyon kanina, talagang nakakagulat, I was shock as everyone. Talagang nakakapanginig ng laman at.. we don’t know," pahayag ng senador nang makapanayam sa telepono sa late night newscast Saksi nitong Biyernes. Nilinaw ni Sen Bong na wala sa kanyang kostudiya si Ramona at wala silang alam sa biglang pag-alis nito. Sina Ramona at Ram ay mga anak ni dating Sen Ramon Sr. sa dating aktres na si Genelyn Magsaysay. Bukod kay Ramona, idinadawit din sa pagpatay kay Ram ang isa pa nilang kapatid na si Ramon Joseph (RJ), na nakapiit na sa Paranaque jail.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon kay Sen Bong, inaalam pa niya kung talagang si Ramona ang napaulat na nakita sa airport na lumipat patungong Hong Kong. Aminado siya na kamukha ni Ramona ng babaeng nakita sa airport. Sa sandaling makumpirma na umalis nga ng bansa si Ramona, sinabi ng senador na aalamin niya kung sino ang nagpaalis dito at bakit pinayagang makalabas ng bansa. Nang tanungin kung ano ang tingin niya sa pag-alis ni Ramona, tugon ni Sen Bong: “Kung ano ang iniisip niyo yun na rin ang iniisip ko…it’s a sign of guilt. Bakit siya aalis in the first place. Kung talagang wala siyang kasalanan, dapat harapin niya ‘to." Iginiit ni Sen Bong na dapat managot kung sino man ang nasa likod ng pagpatay kay Ram, na binaril at sinaksak sa kanyang bahay sa Paranaque noong nakaraang linggo. Inamin din niya na nagalit sa kanya si Gng Genelyn dahil sa pag-aakalang pinabayaan lang niyang dakpin ng mga pulis si RJ. Paliwanag ni Sen Bong, nang “imbitahan" ng mga pulis si RJ sa presinto dahil may testigo na nagdadawit dito sa pagpatay kay Ram, ipinakausap sa kanya sa telepono ang arresting officer. Aniya, tinanong niya ang mga pulis kung may arrest warrant para kay RJ pero hindi umano pagdakip kundi “imbitasyon" lang ang pakay sa kanyang kapatid. Ibinilin na lang umano ng senador sa mga pulis na huwag kunan ng testimonya si RJ hanggat wala itong kasamang abogado. “Nung dinala na siya (RJ) ng mga pulis, sinabi ko naman sa mother niya (Genelyn), ‘nasaan na abogado niyo at inimbitahan na si Joseph (RJ) sa presinto at doon nagalit sa’kin nanay niya bakit ko raw binigay (sa pulis) anak niya. That’s the last time na nakausap ko siya," kwento ng senador. Ipinaalam din ni Sen Bong na nagulat siya nang magbago ng kuwento si Ramona sa isang panayam sa media at inaming hindi totoo na dinukot siya ng mga suspek na pumatay kay Ram. Ayon kay Ramona, nang inakala niyang patay na ang kapatid na si Ram, nag-drive siya ng sasakyan patungo sa pulis sa pangambang nandoon pa ang suspek sa kanilang bahay. Taliwas ito sa unang pahayag ni Ramona sa mga pulis at kay Sen Bong na tinangay siya ng mga suspek at tinakot sa loob ng sasakyan. Matapos umanong magpa-ikot-ikot sa Paranaque ay iniwan siya sa isang mall sa Las Pinas at nagtungo siya pulisya. Nang hingan ng mensahe si Sen Bong, sinabi nito na: “Sa sandaling ito sa pag-alis ni Ramona nakakalungkot, bakit siya aalis? dapat hinarap niya ito… This is a sign of guilt sa pagtakbo niya. Nalulungkot kami, wala ano pa ang iisipin ng lahat ng tao, lahat ng pamilya sa ginawa niya." Sinabi ng senador na ipinauubaya nila sa batas ang lahat at iginiit na dapat managot sa batas ang may kasalanan. “Namatay ang kapatid naming si Ramgen dapat panagutan, kung sino ang may sala dapat makulong," pahayag niya. Idinagdag niya na mahirap para sa kanila ang kinakaharap nilang problema at nanawagan ito sa publiko na ipagdasal ang kanilang pamilya. -- FRJimenez, GMA News

Tags: ramrevilla