Filtered By: Topstories
News

Deployment ban, muling tinalakay ng POEA board


MANILA – Nagpulong nitong Biyernes ng gabi ang mga miyembro ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Board para talakayin ang ipinalabas na resolusyon tungkol sa deployment ban ng mga overseas Filipino worker sa 41 bansa. Ayon kay presidential spokesman Edwin Lacierda, ang pulong ay ginawa batay na rin sa kahilingan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipagpaliban ang pagpapatupad ng resolusyon habang kinakausap nila ang mga apektadong bansa. “Last night I think the POEA Board met to discuss the request of the DFA to defer the ban (but) I’m not clear ano naging decision ng POEA," paliwanag ni Lacierda nang makapanayam sa dzRB radio nitong Sabado. Si Department of Labor and Employment secretary Rosalinda Baldoz ang umuupong chairperson ng POEA governing board. Samantala, nagsisilbi namang vice chairman ng board si POEA administrator Carlos Cao Jr. Sinabi ni Lacierda na “understandable" na kapwa nagpapahalaga ang DFA at DOLE sa kapakanan ng mga OFW sa bansa na kanilang pupuntahan. Sa isang media forum nitong Sabado sa Quezon City, sinabi ni dating ambassador Akmad Sakkam, na ipagpapaliban ng POEA board ang implementasyon ng ipinalabas na resolusyon.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Bukod dito, batay sa nakuha niyang impormasyon, hindi na rin umano ipalalabas ang ikalawang listahan ng mga bansa na ipatutupad ang deployment ban dahil kulang ang batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga OFW. Sinabi ng dating embahador na higit na mabigat ang listahan ng mga bansang nakapaloob umano sa ikalawang listahan dahil kabilang dito ang ilang bansa sa Gitnang Silangan na mayroon malaking bilang ng mga OFW. Nitong Biyernes, nagpahayag ng pangamba ang DFA sa magiging epekto ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas sa mga bansang kasama sa deployment ban. “We want to make sure, the DFA may advocacy, we know the importance of maintaining good relations with other countries but also making sure our OCWs (overseas contract workers) are amply protected in those areas," ayon kay Lacierda. Kasabay nito, ipinahiwatig ni Lacierda na maaaring magkaroon lamang ng problema sa 11 bansa na kasama 41 bansa na nakalista sa resolusyon. “Sa 41 may international companies where OCWs are hired and they observe these protection measures in favor of OCWs," anang tagapagsalita. “That’s why we need a better handle on clarifications... That’s why the DFA wanted to defer it, to discuss it with the embassies here or the countries abroad on protecting our OCWs and at the same time maintaining good relations with other countries," dagdag pa niya. —GMA News