Filtered By: Topstories
News

Ama ni Charice, inilibing na sa Laguna


MANILA – Bumuhos ang luha sa pamilya ng Pinay international singer na si Charice Pempengco nang ihatid sa huling hantungan ang kanyang pinaslang na ama nitong Sabado ng hapon. Mula sa Muntinlupa City, binagtas ng mahabang convoy na naghatid sa mga labi ni G Ricky Pempengco ang daan patungong memorial park sa Cabuyao, Laguna. Maliban sa maraming sumama sa paghahatid kay G Pempengco, dagsa rin ang mga tao na nakaabang sa mga dinaanang kalsada na isa sa mga dahilan kaya bumabagal ang usad ng convoy.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kabilang sina Laguna Governor Emilio Ramon (E.R.) Ejercito III at San Pedro police chief Superintendent Kirby Kraft, sa mga opisyal ng lalawigan na nagtungo sa libingan, ayon sa ulat ng dzRH radio. Sinabi sa ulat na nakiusap din ang pamilya sa mga miyembro ng media na huwag nang kunan ang larawan at video ng paglilibing na naganap dakong 4:30 p.m. Sa hiwalay na ulat ng dzBB radio, sinabing inabot ng dalawang oras ang huling paglalakbay ng mga labi ni G Pempengco, na nasawi noong Lunes matapos sasaksakin umano ni Angel Capili sa Laguna. Kusang sumuko si Capili matapos ang ilang araw na pagtatago. Iginiit niya na ipinagtanggol lang niya ang kanyang sarili kaya napatay si G Pempengco. Sa kabila ng paghingi ng patawad, nanindigan ang pamilya ni Charice na dapat pagdusahan ni Capili sa loob ng kulungan ang ginawa sa kanyang ama. – FRJ, GMA News