Filtered By: Topstories
News

Ina ni Ramgen, nagpasaring vs Sen. Revilla


Tila patuloy na lumalaki ang hidwaan ng pamilya Revilla. Ito ay matapos akusahan ng ina ng napatay na si Ramgen Revilla si Sen. Ramon “Bong" Revilla Jr. ng paggamit sa isyu ng pagkapatay sa kanyang anak sa pulitika. "Nakakalungkot. Malayo pa po ang eleksyon. Bakit napaka-aga ng kampanya?" ani Genelyn Magsaysay bilang tugon sa pahayag ni Sen. Revilla na “sign of guilt" umano ang pag-alis sa bansa ni Ramona Bautista, kapatid ni Ramgen ngunit isa sa mga suspek sa kaso. Kapatid sa ama ni Sen. Revilla sina Ramgen, Ramona, at isa pang suspek na si Ramon Joseph “RJ" Bautista. Ang kanilang ama ay si dating Sen. Ramon Revilla Sr. Ayon kay Magsaysay, walang kinalaman ang kanyang mga anak sa pagpatay sa kanyang panganay. "Namatayan na nga ako, bigla na lang may nag-file ng kaso at ang mga anak ko ang itinuturo. Nakikiusap po ako – huwag na po ninyo sanang gamitin ang pagkamatay ng aking anak na si Ramgen para sa kung anu-anong publicity," aniya sa newscast ng "Balitanghali." "Mahiya naman kayo. Simpleng tao lamang po ako. Ano po ba ang laban ko sa isang malaking pulitiko?" dagdag pa niya. Namatay si Ramgen matapos mabaril at masaksak sa kanyang bahay sa BF Homes Parañaque noong ika-28 ng Oktubre. Nabaril din ang kasintahan niyang si Janelle Manahan, ngunit nakaligtas ito sa kamatayan. Ayon kay Ronaldo Ancajas, personal assistant ni Ram, ilang buwan nang hindi nag-uusap ang biktima at sina RJ at Ramona dahil sa hindi umano pagkasundo sa pera. Sa hiwalay na report ng "Balitanghali," ipinagkibit-balikat lamang ni Sen. Revilla ang paratang ni Magsaysay. Nitong Sabado, naki-usap si Sen. Revilla kay Magsaysay na pauwin nito ang anak upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya. Inatasan na ni Sen. Revilla ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Philippine National Police (PNP) na gumawa ng paraan para maibalik sa bansa si Ramona. Tiniyak naman ng DFA na agad nitong kakanselahin ang passport ni Ramona oras na makakuha ito ng court order. "Once the DFA gets a court order, we will cause the cancellation of her passport so her movement is restricted and the Interpol mechanism may be explored to cause her return to the country," ani DFA spokeman Raul Hernandez. Ayon kay Hernandez, maaaring humingi ng tulong ang Pilipinas sa mga kaalyadong bansa upang mahanap at mapauwi ng Pilipinas ang mga kriminal na nagtatago sa ibang bansa. "The DFA works closely with the DOJ (Department of Justice) on this matter to ensure that justice is served," aniya. Ayon s Bureau of Immigration officials, maaaring patungo sa Turkey si Ramona, kung saan walang extradition treaty ang Pilipinas. Samantala, inihayag ng Malacañang na hindi ito makikialam sa paghahanap kay Ramona. “Primarily it’s a law enforcement issue, we will leave that to the PNP kung anong susunod na hakbanging gagawin nila," sabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Linggo. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News

Tags: ramrevilla