Filtered By: Topstories
News

Paratang ni Ramona, itinanggi ng personal assistant ni Ram


Itinanggi ng personal assistant ng pinaslang na si Ramgen "Ram" Revilla ang mga bagong pahayag ni Maria Ramona "Mara" Bautista laban sa kanya, ayon sa ulat ni Saleema Refran para sa “Balitanghali." Kasabay sa kanyang pag-alis ng bansa, idinawit ni Mara, 21, si Ronald Ancajas, personal assistant ni Ram, na may kinalaman umano ito sa krimeng naganap noong Oktubre 28. Sa eksklusibong panayam ni Saleema Refran, iginiit ni Ancajas na wala siyang kinalamanan sa naganap na pagpatay sa kanyang amo. "Hindi ko po magagawa sa amo ko po 'yun dahil kahit kailan, hindi po ako pinababayaan ng boss ko. At mabuti po ang trato niya sa'kin. Parang kapatid na po ang turing niya sa 'kin," aniya. "Galit po si Mara kasi tumestigo po ako laban sa kanya," dagdag niya. Sa naunang panayaman, inihayag ni Ancajas na ilang buwan nang hindi nag-uusap umano ang biktima at ang magkakapatid na RJ at Ramona dahil sa hindi pagkasundo sa pera na kanilang allowance mula sa kanilang ama na si dating senador Ramon Revilla Sr. "Ang alam ko ay matagal nang may tampuhan sila tungkol sa budget ng bahay, dahil si boss Ramgen ang humahawak at sinisiraan daw siya sa daddy nila, at mga ilang buwan din silang hindi nagkikibuan," ayon sa pahayag ni Ancajas. Ayon kay Ancajas, natutulog siya sa bahay ni Ram nang maganap ang krimen. Nang siya raw ay magising, nakita niyang palabas ng subdivision sina Ramona at RJ "Nakaidlip ako dahil sa pagod at puyat at mga ilang minuto, bigla akong nagising. Pagsilip ko sa bintana ng kwarto ko ay nakita ko si Joseph na naglalakad palabas ng gate ng subdivision. Mga ilang minuto, sumunod naman si Mara," aniya. Sinabi rin ni Ancajas na wala siya umanong kakayahan upang gawin ang krimen. Aniya, "Hindi po kayang gawin ng taong ordinary lamang. Ang makakagawa nun, talagang malaking tao." "Sana Mara, kung wala kang kasalanan, huwag ka nang pumuntang ibang bansa. Bumalik kang Pilipinas. Sabihin mo 'yung totoo. Kung ano ang katotohanan, para hindi tayo mahirapan," pahayag ni Anjacas kay Mara. Patuloy pang sinisikap ng GMA News na kuhanan ng panayam ang kampo ni Ramona hingil sa mga pahayag ni Ancajas. Nauna nang itinanggi ng kanilang inang si Genelyn Magsaysay na hindi magagawa ng mga anak niya ang magpatayan para ayusin ang anumang 'di pagkakaunawaan. - Amanda Fernandez/KBK, GMA News

Tags: ramrevilla