Filtered By: Topstories
News

Pagtatago ng MILF kay Asnawi, paglabag sa ceasefire agreement — Palasyo


Paglabag daw sa ceasefire agreement ang ginagawang pagprotekta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kay Dan Laksaw Asnawi, na kasalukuyang tinutugis ng mga sundalo’t pulis dahil sa pagkakasangkot nito sa umano’y pamumugot ng ulo ng 10 Marines noong 2007, ayon sa Malacañang. "Insofar as the ceasefire agreement is concerned, it is very clear the MILF cannot harbor criminal elements, that is in violation of the ceasefire agreement," ani presidential spokesperson Edwin Lacierda nitong Lunes. Tumakas si Asnawi, deputy commander ng 114th Base Command ng MILF, sa Basilan Provincial Jail noong Disyembre 2009. Inaresto siya matapos maakusahang isa siya sa mga namugot ng ulo ng 10 Marines noong 2007 sa isang bakbakan sa Al-Barka, Basilan. Ayon kay MILF vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar, wala silang kinalaman sa pagpugot ng ulo ng mga sundalo batay na rin sa resulta ng imbestigasyon ng gobyerno at MILF. "We cannot surrender him. Asnawi is accused of something criminal he did in the past. In the principle of justice, it means that he is presumed innocent until proven guilty. That means that there must be due process," sabi ni Jaafar. Inihayag naman ni Lacierda na lilinawin nila mula kay Marvic Leonen, chief negotiator ng gobyerno, ang pahayag na ito ni Jaafar. "We’d like to also get some enlightenment with that regard. Remember, [in] 2007 we were not in government [yet], so that’s something that we’d like to also get clarification with," aniya. Inakusahan din si Asnawi at ang kanyang mga tauhan ng pagpatay sa 19 sundalo nitong Oktubre 18 sa Al-Barka. Iginiit ng MILF na nangyari ang bakbakan matapos manghimasok ang mga sundalo sa kanilang teritoryo. Bahagi ang 19 na sundalo sa grupong inatasang magbigay ng warrant kay Asnawi at ilang niyang tauhan, kabilang na ang ilang mga hinihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News