Filtered By: Topstories
News

Sibling rivalry, maaaring ‘healthy’ o ‘destructive’


Umabot umano sa patayan ang alitan sa magkakapatid na Bautista. Bagamat bihirang mangyari ang karumal-dumal na karahasan, hindi raw maiiwasan ang pagkakaroon ng alitan sa magkakapatid. Ito ang tinatawag na sibling rivalry. Pero paano nga ba ito nagsisimula? Maaari ba itong maiwasan? Iyan ang naging paksa ng panayam ni Kara David kay Dr. Eduardo Caligner, isang guidance counselor at psychologist.
KARA: May anak po ba kayo? Dr. CALIGNER: Mayroon akong anim na anak. KARA: Mayroon kayong anim na anak, o baka may sibling rivalry din 'yung mga anak ninyo? Dr. CALIGNER: Bahagya marahil. KARA: Is this common? 'Yung sibling rivalry, gaano kadalas ba ito? Talagang common ba ito sa lahat ng pamilya? Hindi ito maiiwasan? Dr. CALIGNER: 'Yung sibling rivalry o hidwaan sa magkakapatid sa loob ng pamilya ay normal at bahagi ng buhay ng isang pamilya. Makikita natin ito sa pamilyang Pilipino. Sinabi ko na, bahagi ito ng kanilang paglaki, bahagi ng buhay sapagkat sa hidwaan o alitan may natutunan din sila: natututo silang makipag-negotiate, maaari silang matuto ng pakikipag-compromise, maaari silang matuto ng conflict management. Madalas, kailangan ang pagkakaroon ng hidwaan or conflict. KARA: Healthy ba ang sibling rivalry? Dr. CALIGNER: Oo, puwede siyang maging healthy pero 'pag hindi 'yan napuna o napansin ng mga magulang, maaaring ma-reinforce pa iyan at maging mas negatibo ang epekto nito sa mga magkakapatid. KARA: Kadalasan sino ang nagkakaroon ng hidwaan? Dr. CALIGNER: Madalas na nagkakaroon ng hidwaan ang magkapatid na belonging to the same age level or psychological stage na tinatawag natin or developmental stage. Halimbawa ang apat na taon at ang limang taon: magkakapareho kasi sila ng mga psychological needs, kaya sa isang pamilya, kung ano ang bibilhin ng nanay sa kanyang isang anak, kailangang bibilhan din niya ang isa pa niyang anak. Kung magkalayo ang agwat ng kanilang edad, hindi masyadong halata or maigting, pero kapag magkalapit, kapuna-puna (ang sibling rivalry). KARA: Sabi niyo kanina, puwedeng maging healthy ang sibling rivalry pero puwede din itong maging destructive. Sinabi niyo na kanina kung paano magiging healthy, natututo kang makipag-negotiate, natututo kang makipag-compromise. Dr. CALIGNER: Nagiging unhealthy siya kasi yung alitan, nararamdaman niya ay inggit. Lalo na sa pamilyang Pilipino ngayon, ang mga magulang masyadong busy, parehong nagtatrabaho. Ano ang maaaring kainggitan? Maaaring panahon o 'yung time, affection o pagpapakita ng pagmamahal, pagbibigay ng recognition o pagpupuri sa anak na mas nagpe-perform o mas nagiging productive kaysa doon sa anak na hindi niya napapansin. KARA: Kasalanan ba ng magulang na nagkakaroon ng ganyang klaseng hidwaan kasi may favoritism sila? Dr. CALIGNER: Hindi natin puwedeng sabihing kasalanan. Marahil ay nagkukulang lamang iyong magulang sa pagiging sensitive doon sa pangangailangan ng individual child kasi ang bawat bata ay may kanya-kanyang individualities or unique needs. Dapat ang magulang mahalaga na maging sensitive sila sa pangangailangan ng mga anak. Pero balikan ko ang mga posibleng sanhi ng sibling rivalry. Ito ay maaring dahil sa favoritism o maaring may paborito sa loob ng isang pamilya at kung titignan natin sa lower class of families ang favoritism ay lutang na lutang kung sino ang mas productive na anak, mas mapapaboran 'yung kung sinong mas magaling, mas matalino, mas papaboran 'yun. Mauuwi 'yan sa inggit at resentment at ang pagpapahayag nito ay sa paraan ng galit o ang expression is in the form of anger. KARA: Pero kung gumagawa naman talaga ng mabuti ang bata ay hindi ba dapat din naman na bigyan siya ng pansin... Dr. CALIGNER: ...ng pansin o puna. Ang bawat bata ay may pangangailangan ng atensyon at pagmamahal at iba-iba ang paraan ng pagpapahayag nila o paghingi nila ng pagmamahal. Tama ka diyan kasi nirere-enforce natin ang good behavior and then hindi natin nirere-enforce ang bad behavior. KARA: Oo dahil kunwari ang anak mo pasaway bakit mo naman... Dr. CALIGNER: Precisely, dahilan nga iyon kung bakit hindi natin puwedeng sisihin ang magulang sa kanilang pagpapalaki sa kanilang mga anak. KARA: Anong puwedeng gawin ng mga magulang para maiwasan 'yung destructive kind ng sibling rivalry? Dr. CALIGNER: Una siguro, mahalagang makita ng mga magulang ang kanilang mga anak ay may kanya-kanyang individualities. So they have to treat their children as individuals. Pangalawa, kailangan 'yung spending quality time with the kids, with the family and when I say spending quality time with the kids 'yung individual na bata i-encourage mo kung ano.... KARA: Kilalanin mo kung ano ang needs ng bawat isa... Dr. CALIGNER: …nang bawat isa at magkaroon ng oras para sa bawat isa. Pangatlo, magbigay ng puno ng pagmamamahal, lots of love and affection. Fourth, huwag ihambing ang magkakapatid, don't take sides 'pag nag-aaway, at 'pag nag-aaway na at nagiging pisikal na, that's the time na puwedeng manghimasok ang mga magulang. KARA: Mas nagaganap ba ang sibling rivalry kapag malaki ang pamilya o maliit ang pamilya? Dr. CALIGNER: Pareho. KARA: 'Yung sinasabi na middle child syndrome, kasama din ba 'yan diyan? Dr. CALIGNER: Ang middle child syndrome ay 'yung pakiramdam ng nasa gitna, kasi naiipit siya doon sa nauuna sa kanya at sumunod sa kanya at marahil, for some time, siya ang bunso at biglang may dumating at umagaw ng atensiyon ng kanyang mga magulang. KARA: So hindi ka panganay, hindi ka rin bunso, so feeling mo wala ka? Dr. CALIGNER: At kailangan mong makipagkumpetensiya sa panganay at kailangang huwag mong bigyan ng pagkakataon na lampasan ka ng bunso, 'yun ang tinatawag nating middle child syndrome. At ang mga nasa middle child syndrome ayon sa pag-aaral sila 'yung madalas na nagiging pasaway at marahil nauuwi pa sa ibang bagay, mas negatibo KARA: Ang advice natin sa mga magulang, dapat alamin iyong iba't-ibang pangangailangan ng iyong mga anak… Dr. CALIGNER: Parang maihahambing din natin diyan 'yung sinasabi ng isang family psychologist, mayroong siyang sinasabi na konsepto niya ng sense of entitlement, ‘yung ownership na ako ay anak din katulad ng ibang anak, dapat mabigyan ako ng tinatamasa ng iba kong kapatid, yung fairness in the family. I think bawat magulang dapat maging sensitibo sa ganoong pangangailangan although mayroong tinatawag na false sense of entitlement 'yun bang inappropriate and very demanding, 'yun nga kung masyado kang pasaway tapos naghahanap ka pa ng para sa iyo... KARA: Ano po ang dapat gawin? Dr. CALIGNER: Dito papasok ang open communication ng magulang sa kanilang mga anak and again, puwedeng bigyan ng pagkakataon na kausapin mag-isa ang anak na concerned at ipaliwanag kung ano ang para sa kanya at ano naman ang para sa ibang kapatid niya. Nakapanayam si Dr. Caligner sa News To Go, GMA News TV sa ika-3 ng Nobyembre 2011. Ang art ay nilikna ni Analyn Perez, at ang pag-transcribe ay ginawa ni Kenneth Cortez.