Filtered By: Topstories
News

Hiling ni Arroyo na magpagamot abroad, tinanggihan ng DOJ


Tinanggihan ng Department of Justice (DOJ) noong Martes ang kahilingan ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na magpagamot sa ibang bansa. "My order is a denial of the request," ani Justice Secretary Leila de Lima sa isang press briefing. Humiling si Gng. Arroyo sa DOJ ng Allow Departure Order (ADO) upang makaailis sa bansa para ipagamot ang kanyang sakit na pinched nerve, hypoparathyroidism at bone mineral disorder. Kasalakuyang may kasong plunder at electoral sabotage ang dating pangulo, kaya kinakailangan niya ng ADO bago siya maka-alis ng bansa. Naisama rin siya sa Immigration watch list. Inihayag ni De Lima ang kanyang naging pasya ilang oras lamang matapos maghain ang kampo ni Gng. Arroyo ng petisyon sa Korte Suprema. Ayon kay De Lima – dating pinuno ng Commission on Human Rights ng administrasyong Arroyo – I am "not convinced [there is] any exceptional reason or circumstance" upang pagbigyan ang kahilingan. Aquino sumang-ayon kay De Lima Ayon kay De Lima, nauna niyang ipinaalam kay Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang naging pasya. Sinuportahan naman ito ng pangulo. President Aquino "has cleared the issuance of the order," dagdag pa niya. Nilinaw ni De Lima na wala siyang nilalabag na batas sa kanyang naging utos sapagkat kilala siya bilang "the Palace's alter ego." Samantala, sinabi naman ni De Lima sa kampo ni Gng. Arroyo na maaari itong magpasa muli ng panibagong ADO request. "It does not foreclose any future permission whether it is being secured again from the DOJ," aniya. 'Discrepancies' Ayon kay De Lima, may ilang mga "discrepancies" sa medical abstract na ipinadala ng kampo ni Arroyo, kalakip ang ADO request at letter-affidavit na kanilang naunang ipinasa. Hindi na kailangang mangibang bayan si Gng. Arroyo dahil patuloy naman ang kanyang paggaling at mayroong mga duktor na tumutingin na sa kanyang sakit, dagdag pa ng Justice chief. "Will it [denying ADO request] result in irreparable damage? Again the answer is in the negative," aniya. Pabago-bago rin umano ang inilagay ni Gng. Arroyo na destinasyon sa kanyang tatlong liham na ipinadala sa DOJ. Naipadala ang mga liham na ito noong Oktubre 20, 21, at 24. Ayon kay De Lima, naunang inihayag sa kanya ni Arroyo na nais niyang magtungong US, Germany at Switzerland ngunit ang sumunod na liham, hindi na isinama ang US at Switzerland at pinalitan ng Singapore at Austria. Sa pangatlong liham, inihayag ni Gng. Arroyo ang kanyng pagnanais na pumuntang Germany, Singapore, at Spain. "I cannot avoid being concerned that these countries have no existing extradition treaties with us," ani De Lima. "This is something we cannot afford to take... that they will dictate the duration of her [Arroyo] absence," aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News