Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Pagkabigla sa OFW deployment ban


GMA News Online received this "Kwentong Kapuso" from Oliver Oliver. Kami pong mga OFW dito sa bansang Lesotho ay nabigla sa biglaang desisyon ng ating gobyerno sa walang pasubaling pag-ban ng 41 countries, kung saan kasama ang Lesotho. Hindi ko po alam kung ang ating gobyerno ay may idea man lang kung ano ba ang tunay na kalagayan ng mga Pinoy dito, dahil kung may mga mapapalad na OFW, masasabi ko po na dito n’yo matatagpuan sa Lesotho. Karamihan ng mga OFW dito ay highly skilled at may maaayos na posisyon at magandang buhay. At sa pagkakaalam ko po, wala kahit isang OFW na DH o laborer na nagtatrabaho dito na mataas ang posibilidad na maabuso. Kaya ganu’n na lang ang aming pagkabigla. Kung tutuusin po dapat muna sigurong unahin ng ating gobyerno ang kalagayan ng maraming OFW sa Middle East, kung saan talamak ang pang-aabuso sa mga kababayan natin, lalo nsa mga kababaihan. O dahil ba sa mataas na remittance ng mga bansang ito kaya tengang kawali ang ating gobyerno at kami ang ginawang sacrificial lamb para masabi na may katuturan ang batas na ginawa para sa OFW? Ang mataas na unemployment rate sa Pilipinas at maging ang child labor, hindi pa kasama ang mga underpaid at kawalan ng benefits ng maraming workers sa ‘Pinas—hindi po ba ‘yan dapat ang high priority ng ating gobyerno? ‘Di po ba naisip ng ating Pangulo na madalas na sinasabi ng kanyang mga tagapagsalita na insignificant ang maaapektuhan? Ito po ay very insensitive comment! May mga pamilyang maaapektuhan at magugutom at mahihinto sa pag-aaral dahil sa walang patumanggang desisyon ng ating pamahalaan. Ang gobyerno ay wala man lang contingency plan o kahit palugit man lang na kahit ba isa o dalawang taon bago i-implement ang ganitong kabigat na ruling para sa mga maaapektuhang OFW. Sa pakiramdam po namin ay para kaming itinuring na isang basura na winalis lang ng walang pasubali ng gobyerno at walang pakialam sa tunay na saloobin ng mga OFW na naapektuhan ng ganitong karahas ng desisyon ng ating gobyerno. Hindi na nga po kami dumadagdag sa isipin at problema ng ating gobyerno pero huwag naman po sana kaming pahirapan at parusahan dahil sa walang kwentang pagpapapogi ng ating gobyerno. Maraming salamat po at sana ay makarating ang aming hinaing sa ating Pangulo. Mabuhay po ang GMA News! - RJMD, GMA News Oliver Oliver Ano ang kwento mo? Mga Kapuso, tuloy ang kwentuhan. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtangkilik sa ating pitak na ito. Habang may mga kababayan tayo sa abroad - pati ang kanilang mga kabiyak, anak, ina, ama o sinuman na kabahagi ng kanilang buhay - na nais magpaabot ng kanilang saloobin, mananatili po ang inyong Kwentong Kapuso. Katulad ng dati, hindi kami magsasawa na basahin ang inyong mga kwento - maigsi man o mahaba. Kahit na ang laman nito ay naglalabas ng sama ng loob, nagbibigay ng inspirasyon, gustong magpayo, magsumbong, magpatawa o kahit nagpapalipas lang ng oras. Kaya hihintayin namin ang inyong mga email na maaari ninyo itong ipadala sa Pinoyabroad@gmanews.tv Sa inyo mga kababayan namin saan mang dako sa mundo, kami po'y saludo sa inyo. Kaya ilabas ang iyong saloobin, ikuwento mo Kapuso!