Filtered By: Topstories
News

Aquino, nag-alok ng tulong sa pagpapagamot si Gloria Arroyo


Handa ang gobyerno na kumuha ng foreign specialists na titingin sa umano'y maselang kalagayan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para hindi na niya kailanganing lumabas ng bansa. Matapos tanggihan ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes ang kahilingan ni Gng. Arroyo na magpagamot sa ibang bansa, inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang press briefing nitong Miyerkules na handa pang tumulong ang kanyang administrasyon sa gastusin sa pagpapagamot ni Gng. Arroyo. "Bilang pagkilala ng karapatan ni Gng. Arroyo na personal na pumili ng mga espesyalistang doktor na magbibigay lunas sa kanya, maaari tayong magpapunta dito ng mga espesyalista o manggagamot mula sa alinmang panig ng mundo upang magsagawa ng kanyang eksaminasyong medikal," ani Aquino. "Kung kinakailangan handa nating sagutin ang mga tungkuling pinansyal sa pagpapagamot ni Gng. Arroyo," dagdag pa niya. Tinanggihan naman ng kampo ni Gng. Arroyo ang alok ni Aquino. Naganap ang briefing isang araw matapos tanggihan ni Justice Secretary Leila de Lima ang kahilingan ni Gng. Arroyo na magpagamot sa ibang bansa dahil hindi raw tugma ang mga nakasaad sa medical abstract na inilakip sa Allow Departure Order (ADO) request, at letter-affidavit na nauna nang ipinasa sa DOJ. Nahaharap sa kasong plunder at electoral sabotage ang dating pangulo at nasa Immigration watch list kaya kinakailangan niya ng ADO bago maka-alis ng bansa. Ayon kay De Lima, hindi na kailangang mangibang bayan si Gng. Arroyo dahil patuloy naman ang kanyang paggaling at mayroong mga duktor na tumutingin sa kanya dito sa bansa. Hiniling na ng kampo ni Gng. Arroyo na makialam ang Korte Suprema sa kanilang kaso laban sa watch list order ng DOJ. Sinang-ayunan naman ni Aquino ang desisyon ng DOJ. Aniya, dahil dito masisigurado ang pagharap ni Gng. Arroyo sa mga kasong kinahaharap niya. “Gagawin natin ito upang matiyak ang pagharap ng sinumang akusado sa ating hukuman at manaig ang katarungan sa ating bansa," aniya. Dagdag pa niya, kanyang pinagdududahan ang motibo ni Gng. Arroyo sapagkat pabago-bago ang mga bansang gusto nitong puntahan. Nauna nang inihayag ng kampo ni Arroyo na wala umano siyang planong tumakas. Ayon kay Aquino, anim na bansa ang binanggit ni Arroyo ngunit tatlo lamang ang naisulat sa affidavit na ipinadala sa DOJ. "Sa makailang beses niyang pagsusumite ng mga di-nagtutugmang listahan ng mga bansa, nito lamang Nobyembre 2 niya naisipang banggitin ang doktor na titingin sa kaniya," ani Aquino. "Hindi po ba kung magpapaalam ka para magpagamot ng iyong karamdaman, mula’ t sapul pa lamang ay alam mo na kung kanino ka kokonsulta at kung nasaang bansa siya, lalo pa kung alam mong may nakabinbing kaso laban sa iyo?" dagdag pa niya. Ayon kay Aquino, mahirap na pagtiwalaan si Gng. Arroyo sapagkat hindi umano nito kayang madeklara ang destinasyon na kanyang pupuntahan. "Hindi ko ho pine-personal ito. [Pero] paano natin dapat paniwalaan nang buong-buo ‘yong sinasabi niyang aalis ako, magpapagamot, babalik ako kung ‘yon nga ho pabago-bago pa iyong mga bansang binabanggit niya?" aniya. Nang tanungin kung nais niyang kausapin ang dating Pangulo, sumagot si Aquino, "Bakit hindi? Guro ko naman siya noong araw; nakakatanda sa akin; babae pa ho siya; siya ay may karamdaman, bakit naman ho natin iiwasan ‘yon?" - Amanda Fernandez/KBK, GMA News