Filtered By: Topstories
News

Lolong, kumpirmadong pinakamalaking buwaya sa buong mundo - NatGeo


Kinumpirma ng isang zoologist at crocodile expert si Lolong bilang pinakamalaking saltwater crocodile "in captivity" sa buong mundo na 21 talampakan at 1 pulgada ang haba. Pinamunuan ni Dr. Adam Britton ang grupong sumukat kay Lolong. Sa panayam ni GMA News Online correspondent Ben Serrano, sinabi ni Britton na mali ang unang napaulat na 21 talampakan at 3 pulgada na sukat ni Lolong. Ayon kay Britton, kinatawan ng National Geographic, 21 feet and 1 inch ang opisyal na sukat ng buwaya. Nahuli si Lolong sa Agusan Marsh nitong Setyembre matapos ang ilang mga ulat ng nawawalang residente. Dumalo ang mga kinatawan ng National Geographic sa Bunawan, Agusan del Sur, kung saan matatagpuan si Lolong, upang magawan ito ng dokyumentaryo. Ipapasa ni Britton ang impormasyon tungkol kay Lolong sa Guinness World Records. Hindi na umano tutungo ng Pilipinas ang mga kinatawan ng Guinness sapagkat babatayan na lamang nila ang magiging ulat ni Britton. Isang 18-foot na buwaya mula Australia na pinangalang Cassius Clay ang dating record-holder, na sinukat din ni Britton. Kinakailangan pang maghintay ni Lolong ng ilang buwan bago palitan ang pwesto ni Cassius Clay bilang king of the world's captive crocodiles. "I think under Guinness’ rules, you have to wait six months before being officially declared a world record holder," Ani Britton. "I will give my official measurements to Guinness" aniya. Kasabay sa pagpasok kay Lolong sa Guinness World Records, maaari ring tumaas ang turismo sa Agusan Marsh. Ayon sa ilang mga experto, bago ipa-igting ang turismo sa bayan, kinakailangan munang siyasatin ang ilang pamamaraan upang tiyakin ang kaligatasan ng mga tao mula sa buwaya sa bayang iyon. Mahigit kalahating milyon na ang nalilikom ni Lolong mula sa mga donasyon, entrance at parking fees sa Bunawan Eco-Park and Research Center sa Barangay Consuelo, ayon kay Bunawan Mayor Edwin Elorde. Kada-araw, umaabot ng mahigit P8,000 ang nalilikom mula sa entrance at parking fee, at donasyon, nitong Oktubre lamang, ayon kay Elorde. Nakuha ni Lolong ang atensyon ng buong mundo nang ma-anunsyo ang kanyang sukat matapos ang kanyang paghuli nitong Setyembre 3. Ayon sa ilang mga residente, si Lolong umano ang kumain sa isang batang babaeng nawawala, isang mangingisda at ilang mga kalabaw. Matapos ang kanyang paghuli, naibalita ito sa Google News at sa iba pang dayuhang midya. Patuloy ang pagsunod ng midya sa kwento ni Lolong nang tumanggi itong kumain ng ilang linggo mula sa kanyang paghuli. Bumalik ang gana ni Lolong na kumain nitong unang bahagi ng Oktubre. Nagprotesta ang ilang wildlife advocate na palayain muli si Lolong, ngunit ayon sa ilang lokal na opisyal, "irresponsible" kung gawin nila ito. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News