Filtered By: Topstories
News

De Lima, hinamon na patunayan ang panibagong akusasyon vs Arroyo


MANILA – Hinamon ng kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Justice Secretary Leila de Lima na patunayan ang akusasyon nito na humingi ng asylum sa Dominican Republic ang dating lider. Sa panayam ng dzBB radio nitong Biyernes, binatikos ni Elena Bautista-Horn, tagapagsalita ni Arroyo, si De Lima sa pagbibigay ng pahayag sa media tungkol sa usapin ng asylum na hindi naman beripikado. Pinasaringin ni Horn na bahagi ng pagpustura ni De Lima na plano umanong tumakbong senador sa 2013 elections ang panibagong akusasyon laban sa dating pangulo. "I challenge Secretary De Lima to show proof of her allegations. I know of no plan by Mrs. Arroyo to seek asylum in the Dominican Republic. That is why I am bold enough to issue the challenge to the justice secretary," pahayag ni Horn. "Unverified e bakit ka magpapa-media? Dahil tatakbong senadora sa 2013... Siyempre libreng media mileage ‘yan. Kawawa ang aking boss, ginagamit ng mga gusto tumakbo sa 2013," dagdag pa niya. Nitong Huwebes, sinabi ni De Lima na inaalam na ng DOJ ang natanggap nilang impormasyon na humingi ng political asylum sa Dominican Republic si Arroyo. Una rito, hindi inaprubahan ni De Lima ang hiling ng kampo ni Arroyo na payagan itong makalabas ng bansa para ipasuri ang karamdaman. Ngunit duda ang pamahalaang Aquino na baka hindi na bumalik sa Pilipinas si Arroyo kapag nakalabas ng bansa upang takasan ang mga kasong kakaharapin tulad ng plunder at electoral sabotage. Itinanggi rin ng kampo ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang planong paglipad ng mag-asawa sa Caribbean country. "We categorically deny that the former First Couple are holders of Dominican Passports, nor have they sought political asylum in any country. The First Gentleman has never been to the Dominican Republic," ayon kay Atty Ferdinand Topacio, abogado ni FG Arroyo. Sa panayam ng dzBB radio, kinuwestiyon ni Horn kung bakit tila natatakot ang administrasyong Aquino na humingi ng political asylum si Gng Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. "Why are they afraid of Mrs. Arroyo seeking political asylum? Is this administration admitting it is indeed persecuting Mrs. Arroyo?" pahayag ni Horn, sabay batikos sa ginagawa umanong "trial by publicity" ni De Lima kay Arroyo. Iginiit ng tagapagsalita ni Arroyo na dapat kasuhan na ng gobyerno ang dating pangulo para masagot nito sa tamang venue ang lahat ng alegasyon. Ikinatuwa naman ni Horn ang pananaw ng ibang abogado at constitutional experts na hindi sapat na dahilan na pigilan ang karapatan ng isang tao na makabiyahe dahil lamang sa pinaghihinalaan siya. "These are fair and impartial law experts. They are saying a suspicion speculation does not impair a person's constitutional right (to travel)," pahayag ni Horn. Binisita si Arroyo Sa isang ulat ng Philippine news portal na Move.PH nitong Biyernes, sinabing binisita ni Dominican Ambassador Frank Hans Castellanos Dannenberg sa Maynila noong nakaraang buwan si Gng Arroyo. “We learned that in late October, an informant told at least two government officials about ‘credible’ information that Dannenberg was in Manila to help Mrs. Arroyo with her plan to seek asylum," nakasaad sa Facebook page ng Move.PH. Sinabi pa sa ulat na naganap umano ang pagbisita ng Caribbean “diplomat sa bahay ni Gng Arroyo sa bahay nito sa La Vista sa Quezon City noong Oct. 25 hanggang Oct. 28. -- FRJ, GMA News