Filtered By: Topstories
News

Rep. Mikey Arroyo at asawa, pinayagan ng korte na bumiyahe sa US


MANILA – Nakakuha ng pahintulot sa Quezon City court nitong Biyernes si Ang Galing Pinoy party-list Rep Juan Miguel “Mikey" Arroyo na makabiyahe sa labas ng Pilipinas. Sa desisyon ni Judge Marie Christian Jacob, pinayagan nito si Mikey na bumiyahe sa US mula November 14 hanggang December 17, kapalit ng piyansa na aabot sa P180,000. Ayon kay Atty. Ruy Rondain, abogado ng mga Arroyo, pinagpiyansa ang kanyang kliyente ng tig-P60,000 para sa tatlong tax evasion charges na isinampa sa kanila ng Bureau of Internal Revunue. Nakapaglagak na umano ang mga Arroyo ng P60,000 at kaagad na babayaran ang balanseng P120,000 sa Lunes, ayon kay Rondain. Sa dalawang pahinang desisyon ni Judge Jacob, nakasaad na: “the Constitutional Right to travel may not be restricted at this stage of the proceedings. There is no threat to national security, public safety and public health." Nilinaw naman ni Rondain na tanging si Mikey lamang ang aalis patungong US sa susunod na linggo. Hindi naman umano humingi ng travel request ang asawa ni Rep Mikey na si Ma Angela. Sa mosyon na inihain nito sa korte, sinabi ni Mikey na pupunta siya sa Southern California para makipagkita sa mga Filipino community doon at mangangalap ng donasyon sa kanyang mga constituents. Tiniyak ng kongresista na susundin niya ang mga ibinigay na kondisyon ng korte para sa kanyang pagbabalik sa bansa. Una rito, inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Immigration na ilagay sa travel watch list ang mag-asawang Mikey at Angela Arroyo dahil sa kinakaharap nilang kaso. Dahil dito, kailangang humingi ng permiso sa korte ang mag-asawa kung nais nilang umalis ng bansa. Inaasahan naman na tatalakayin ng Korte Suprema sa susunod na linggo ang petisyon ng mga magulang ni Rep Mikey na sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo, tungkol sa pagbabawal sa kanila ng DOJ na makabiyahe sa labas ng bansa. – FRJ, GMA News