Filtered by: Topstories
News

PNoy sa Hawaii: Dambuhalang gas deposit, natuklasan sa Pinas


Ipinaalam ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa isang pagtitipon sa dinaluhang 19th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Meeting sa Hawaii, ang pagkakatuklas sa dambuhalang gas deposit sa hilagang bahagi ng Pilipinas. Sa business forum na dinaluhan ng mga chief executive officers ng iba’t ibang bansang miyembro ng APEC, sinabi ni Aquino na lubhang malaki ang bagong natuklasang gas deposit kumpara sa gas deposits ng Malampaya oil fields sa Palawan. “There are substantial gas deposits that we believe are already on the proven scale at this point in time will dwarf the existing Malampaya oil fields," pahayag ni Aquino sa business forum na ginanap sa Sheraton Waikiki. Karamihan sa mga business executive na dumalo sa naturang pagtitipon na bahagi ng mga aktibidad sa isinasagawang APEC Meeting, ay mula sa China. Ayon kay Aquino, planong simulan sa susunod na taon ang pagdevelop sa natuklasang malaking gas deposit. Gayunman, hindi niya tinukoy kung anong kumpanya ang mamamahala sa naturang proyekto at saan ang eksaktong lokasyon ng gas deposits. ‘There is a new field that is gonna be brought up, or is gonna start I understand by next year (2012) by an American company in the northern portion of the Philippines," pahayag niya. Sa pagtuklas ng mga mina ng langis at paghahanap ng ibang alternatibong enerhiya, tiniyak ni Aquino na hindi lamang ang Pilipinas ang makikinabang sa mga ito kundi maging ang mga kalapit-bansa sa rehiyon ng Asya. Dahil sa Malampaya gas project, sinabing nabawasan na ang pag-angkat ng Pilipinas ng langis para sa power generation, na nagiging daan para mapalaki naman ang foreign-exchange savings at matiyak ang suplay ng enerhiya sa bansa. -- GMA News

LOADING CONTENT