Filtered By: Showbiz
Showbiz

Iza Calzado, hindi nakapagpaalam sa pumanaw na ama


Umiling at napaluha ang Kapuso actress na si Iza Calzado nang tanungin kung nagawa ba niyang makapagpaalam sa amang si Direk Lito Calzado bago ito pumanaw dahil sa sakit na liver cancer nitong Biyernes. Sa StarTalk TX nitong Sabado, sinabi ni Iza na nasa ospital sila ng kanyang kapatid at iba pang mahal sa buhay ni Direk Lito nang malagutan ito ng hiningi sa ospital dakong 12:30 p.m. “I was there with my brother and family, relatives, people close to his heart. We were there by his side," kwento ng aktres. Noong 2010 umano natuklasan ang sakit ni Lito sa atay. Bagaman batid nila na sandali na lang ang ilalagi ng ama sa mundo, hindi umano inasahan ni Iza na mangyayari ito nitong Biyernes. At nang tanungin kung nakapag-goodbye ba siya sa mahal na ama, tanging iling at luha ang naisagot ni Iza. Maging ang kaibigan ni Lito na si German “Kuya Germs" Moreno ay aminadong malaking kawalan sa industriya ang pagpanaw nito. Si Lito ang direktor ng television show sa GMA 7 ni Kuya Germs na “Walang Tulugan With the Master Showman", tuwing Sabado ng gabi. Nagpaabot naman ng pasasalamat si Iza sa mga taong nagmahal at nakasama ng kanyang ama. “Sa lahat po ng mga kaibigan ng tatay ko, mga nagmamahal sa kanya, maraming salamat po sa pagtanggap niyo sa aking ama… bilang isang kaibigan, kamag-anak, katrabaho. Ikinarararangal ko po na ako’y maging anak ng aking amang si Lito Calzado," ayon kay Iza.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nakaburol si Direk Lito sa Our Lady of Mt. Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City. Sa Lunes ay nakatakdang ilagak ang kanyang mga labi sa Himlayang Pilipino pagkatapos ng misa na gagawin ganap na 10:00 a.m. Bago naging artista at direktor, unang nakilalang si Direk Lito bilang mananayaw. Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal, sinabing noon pa man ay mahilig na sa pagsasayaw si Lito kaya sumali siya sa dance troop ng University of the East noong nag-aaral pa sa kolehiyo. Taong 1961 nang sumali siya sa Bayanihan Philippine Dance Company at sa Ballet Folkloric Filipino, na tumagal hanggang 1969. Dahil sa husay sa pagsasayaw, naatasan siyang maging dance choreographer para sa ilang pelikula mula noong late '60s hanggang '80s. Nakalista sa website na IMDb ang ilan sa mga pelikulang ito, tulad ng: Nora: Single Girl (1969), Halina Neneng Ko (1969), Young Love (1970), Leron-Leron Sinta (1971), The Sensations (1971), Mahal Mo, Mahal Ko (1978), at Stariray (1981). Naging bahagi rin siya ng Miss World Philippines 2011 bilang blocking director for TV. Bukod dito, nagpakita rin ng angking talento si Lito bilang aktor, at nakasali rin ito sa ilang pelikula. Ilan sa mga ito ay Dyesebel na bersyon ni Vilma Santos noong 1973, 7 Crazy Uragons (1974), Mana-mana Tiba-tiba (2000), at huli'y ang S2pid Luv (2002). Ikinasal si Direk Lito sa Irish-Spanish-Filipina beauty na si Mary Ann Ussher. Dito ay nagkaroon siya ng dalawang anak na sina Iza at Dash. -- FRJimenez, GMA News