Filtered By: Topstories
News

Pacquiao, tinalo si Marquez ngunit binatikos ng ilang Pinoy


Nagwagi ang tinaguriang Pambansang Kamaong si Manny "Pacman" Pacquiao sa laban niya kay Juan Manuel Marquez nitong Linggo (Manila time) sa MGM Grand sa Las Vegas, kung saan napanatili niya ang kanyang WBO Welterweight crown sa isang majority decision. Sa kabila nito, may ilang Pinoy boxing fans na kinuwestiyon ang naging desisyon, naniniwalang mas magaling si Marquez sa naganap na laban. Ayon sa huradong si Robert Hoyle, patas lamang ang laban, 114-114, habang sina Dave Moretti at Glenn Trowbridge naman, nagbigay ng puntos na 115-113 at 116-112, pabor kay Pacquiao. Sa kabila ng resulta na pabor kay Pacquiao, may ilang naniniwala na si Marquez ang mas may karapatan na magwagi sa laban. Ayon sa Filipino-American flyweight champion na si Brian Viloria sa kanyang Twitter, "I love manny but that was a jmm win easy." Inakala rin ni Marquez at ng kanyang koponan na nagwagi sila. Sa katunayan, sa final bell, itinaas ni Marquez ang kanyang mga kamay at hinarap ang hiyawan ng mga tao para sa kanya. Samantala, tahimik lamang si Pacquiao habang hinihintay ang desisyon. Nang ma-anunsyo ang panalo, hindi niya maitago ang kanyang pagkagulat. Nakakuha umano ng mas maraming suntok si Pacquiao kay Marquez. Ayon sa CompuBox, natamaan ni Pacquiao si Marquez 176 mula sa 578 na suntok, samantala si Marquez naman, 138 lamang mula sa 436. Lamang si Pacquiao ng 117-100 sa power shots nito. Ayon kay Sports analyst Mico Halili sa kanyang Twitter, "Feels all too familiar. Painfully for Marquez. Oddly for many of us too. Nothing has been settled." Matapos ang laban, inihayag ni Marquez, "I don't know what I need to do so the judges will see I won." May ilang mga tagahanga naman ni Marquez na nagtapon ng beer cans sa ring matapos ang pag-anunsyo ng nagwagi. "The burden on Manny Pacquiao, as a boxing megastar who fights twice a year, is that he always needs to be great. When he's good, not great, fans expecting fireworks will likely be disappointed," inihayag ni Halili sa GMA News Online. Napatunayan na ni Pacquiao ang kanyang kagalingan sa kanyang mga nakaraang laban kung kaya umaasa ang taongbayan ng mga mas maaagang knockouts. Sa katunayan, bago maganap ang laban kay Marquez, umabot ang betting odds sa 10-1 pabor kay Pacquiao, kung aling round niya matatapos ang Mexikano. Walang umasa sa pagkakaroon ng close fight. "A close fight will produce clashing opinions. For many, only bludgeoned faces and knockout finishes provide unquestionable dominance," ayon kay Halili. Inaasahan ng ilang boxing experts na babagal si Marquez matapos niyang magpalaki ng katawan, ngunit hindi ito ang kanyang ipinakita sa laban. Nagkaroon ng panandaliang katahimikan nang maihayag ang panalo ngunit agad din namang sinalubong si Pacquiao ng masayang sigawan nang narinig na siya ang nagwagi. "Exciting yung laban. Ninerbyos ako nung huli. Parang lamang si Marquez pero sa judge iba eh. Bilib ako kay Marquez," ayon kay Amayo Eusebio, isang boxing fan na pinanuod ang laban sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City. "Pumunta kay Pacquiao yung last rounds. Halos palitan lang ng tama sa mga unang round," pahayag naman ni Renato Sison, kasama ni Eusebio sa panunuod ng laban. "Parehong may counter," ani Eusebio. Matapos ang laban, mayroon nang 54 na panalo si Pacquiao (38 knockout), tatlong talo lamang at dalawang draw. Samantala, si Marquez naman, bumababa sa 53-6-1 at may 39 KOs. Mahigit anim na taon, mula sa kanilang unang laban noong 2004, pinagyayabang ni Marquez na natalo niya si Pacquiao dalawang beses na. Sa katunayan, mayroon pa siyang tshirt na nakalagay, 'I Beat Pacquiao Twice' na kanyang pinagawa noong world tour niya sa Manila. Hindi ito ikinatuwa ni Pacquiao kung kaya naging personal ang kanyang laban kay Marquez. Kinailangan pa ni Marquez na palakihin ang kanyang sarili upang maaari niyang labanan si Pacquiao. Sa kanilang unang laban, nagtapos ito sa isang kontrobersyal na draw, habang ang pangalawa naman, nagtapos sa isang split decision pabor kay Pacquiao. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News