Filtered By: Topstories
News

DOJ, sinabihan na sundin ang TRO ukol sa pagbiyahe ni Arroyo


Maaaring hingan ng Korte Suprema ang Department of Justice ng paliwanag sa hindi nito pagsunod sa temporary restraining order (TRO) na inaprubahan ng SC upang payagan si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo na magtungo sa ibang bansa upang magpagamot. Ayon kay SC spokesman at Court Administrator Jose Midas Marquez, maaaring maghain ng "Show Cause and Comply" na utos ang high court sa DOJ sapagkat ang isang TRO ay dapat agad na pinatutupad. "We will ask Justice Secretary Leila de Lima and the department officials why they did not comply with the order," inihayag ni Marquez sa panayam sa dzBB radio nitong Miyerkules. Sa kabila ng TRO, hindi pa rin pumayag si De Lima na lumisan ng bansa ang mag-asawang Arroyo. Aniya, handa siyang humarap sa kasong contempt na maaaring ihain ng kampo ni Gng. Arroyo laban sa kanya. "I will look at the TRO and then file a motion for reconsideration with the high court. Our position is that since there is a motion for reconsideration, the high court’s TRO should not yet be implemented," aniya sa hiwalay na panayam ng dzBB radio. Ayon kay Marquez, lumabag umano ang DOJ sa hindi nila pagsunod sa TRO. "But of course before we can say with finality there is a violation, we have to observe due process," dagdag niya. Sa hiwalay na panayam ng GMA News TV's News To Go, inihayag ni Marquez na maaaring maghain ang kung sinuman ng motion for reconsideration, ngunit hindi nito maaaring pigilan ang implementasyon ng TRO. Inihayag ni Marquez na ayon umano sa Rules of Court, multa ng 30,000 o pagkabilanggo ng anim na buwan, o maaaring parehas, ang karampatang parusa sa hindi pagsunod sa utos ng high court. Nitong Martes ng gabi, pinigilan ng DOJ, sa pamamgitan ng Immigration Bureau, ang mag-asawang Arroyo na lumisan ng bansa sa kabila ng TRO na inihain ng high court para sa watch list order ng DOJ sa dating Pangulo. Tumungo at nanatili na lamang si Gng. Arroyo sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City, 30 minuto ang layo mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong Martes ng gabi. Nagbanta na ang kampo ni Arroyo na maghain ng kasong contempt laban sa DOJ sa hindi pagsunod sa high court. Ayon kay Marquez, kahit hindi maghain ang kampo ni Gng. Arroyo ng kasong contempt, kinakailangan pa ring humarap ang DOJ sa "show cause and comply" na utos ng SC. "You are directed to show cause why you should not be held in contempt and to comply with the TRO," aniya. Only SC can lift TRO Ayon kay Marquez, ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang tanggaling ang TRO. "Hindi pwedeng dumepende sa action or inaction ng isang party," aniya. Ani Marquez, inanunsyo ng high court ang utos nitong Martes ng 3 p.m. ngunit lumabas ang hard (printed) copy ng TRO lagpas 5 p.m. na. "Ang TRO mismo, ang hard copy lumabas sa ating Office of the Clerk of Court past 5 p.m., binigay namin ang kopya sa DOJ pero di ito tinanggap, lampas 5 p.m. na yan," aniya. Sa kabilang banda, nagbayad na ng P2-milyong bond ang mag-asawang Arroyo. Aniya, maglalabas muli ng kopya ng TRO ang SC sa DOJ nitong Miyerkules ng umaga. Fears of flight, no basis Ayon kay Marquez, ang pangamba umano na maaaring tumakas si Arroyo sa ibang bansa ay hindi maaaring gawing basehan sa hindi nila pagsunod ng TRO. Aniya, ""Those are just fears. The high court decided on the facts of the situation. As for the fears of Arroyo taking flight, there are many remedies to bring her back to the country to face charges." Maaaring makansela ang passport at hihingi na lamang ng tulong mula sa International Police (INTERPOL) kapag tumakas si Gng. Arroyo. "I’m sure the executive department can think of ways and means to get them back here," kanyang dagdag. Ani Marquez, mahigit isang taon nang mula inakusahan si Gng. Arroyo ng poll fraud ngunit wala pang naihang kaso laban sa kanya. "We must respect the constitutional rights of the petitioners. If there is no charge filed against her, the Constitution allows her the right to travel and we must respect it," dagdag niya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News