Filtered By: Topstories
News

Pambihirang mineral, natuklasan sa Palawan river


Kasabay ng kanilang inisyal na pagkasali sa 7 New Wonders of Nature, nadagdagan muli ang parangal na nakamtan ng Palawan river na ito. Nakatuklas ng isang pambihirang mineral ang ilang mga mananaliksik kumakailan lamang sa Puerto Princesa Underground River sa Palawan, ayon sa ulat ng dzBB nitong Huwebes. Ayon kay Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn, hindi umano makikita ang serrabrancaite, isang pambihirang mineral na tinuturing bilang manganese phosphate, sa mga karaniwang kweba lamang. Sa katunayan, maliban sa Palawan, sa Sierra Branca, Brazil lamang matatagpuan ang mineral na ito. Nagmula umano ang serrabrancaite mula sa proseso ng mineralization ng "guano" o dumi ng mga paniki at seabird na nakatira sa loob ng kuweba, ayon sa mga mananaliksik. Inihayag naman ni Secretary of Environment and Natural Resources Ramon J. P. Paje sa isang hiwalay na press statement sa kanilang website, ang batikang crystallographer na si Dr. Paolo Forti, miyembro ng Italian La Venta Geographical Association, ang nagkumpirma umano sa panibagong mineral. Ang La Venta ang grupong nagsasagawa ng ekspedisyon sa Palawan river. “Cave experts themselves are amazed because only few caves in the world host more than three to four minerals, yet in the PPUR alone, they have unearthed at least 11, of which three are new cave minerals," ani Paje. Maliban sa serrabrancaite, natuklasan din ng grupo sa Palawan river ang dalawa pang bagong mineral: robertsite at janggunite at walo pang mineral na dati nang kilala: calcite, gypsum, apatite, variscite, strengite, manganite, rodocrosite, and pirolusite. 7 New Wonders of Nature Nakamtan ng Puerto Princesa Underground River sa Palawan ang isa sa pinakamaraming boto para sa New 7 Wonders of Nature. Pinamunuan ng gobyerno ang kampanyang iboto ang Palawan river upang mapabahagi sa New Seven Wonders of Nature. Pinamunuan mismo ni Pangulong Benigno Aquino III ang Internet at text voting nitong Hunyo. Inihayag ng New7Wonders Foundation ang inisyal na resulta nitong Sabado mula sa naganap na botohan via text messaging at Internet. Ilalabas umano ng grupo ang opisyal na resulta sa darating na 2012, matapos nilang pag-aralan ang kinalabasan ng botohan. Maliban sa Palawan river, kabilang din ang Amazon, Halong Bay, Iguazu Falls, Jeju Island, Komodo, at Table Mountain sa may pinakamatas na nakuha sa inisyal na botohan. — TJD, GMA News

LOADING CONTENT