Filtered By: Topstories
News

Hirit na P10 minimum fare sa jeepney, malabo ngayong 2011


MANILA – Inihayag ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na malabong maaprubahan ngayong taon ang hiling ng mga tsuper na gawing P10 ang singil sa pamasahe sa jeepney – o dagdag na P2 sa kasalukuyang minimum fare. Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ni Atty. Jaime Jacob, pinuno ng LTFRB, na sa Disyembre 8 pa lang maisasalang sa paunang pagdinig ang petisyon ng mga tsuper kaya malabo na itong madesisyunan ngayong taon. Sa naturang petisyon sa LTFRB, nais ng mga tsuper ng pampasaherong jeepney na gawing P10 ang minimum fare sa unang apat na kilometro at dagdag na 35 sentimos sa susunod na kilometro.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang hirit na dagdag singil sa pasahe ng mga tsuper ay bunga naman ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo. Kung hindi maipatutupad ang hirit nilang dagdag na P2 sa pamasahe, hiling naman ni Obet Martin, pinuno ng Pasang Masda, na ipamasko na lang sa kanila ng mga commuter ang 50 sentimos na provisional increase sa pamasahe. Pero sabi ni Jacob, maging ang hirit na 50 sentimos ay malabong maibigay ngayong taon. -- FRJ, GMA News