Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, kinasuhan ng electoral sabotage ng Comelec


MANILA – Isinampa na sa korte ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes ang kasong electoral sabotage laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay sa umano’y dayaan noong 2007 elections. Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, isinampa ng Comelec ang kaso sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 sa sala ni Judge Jesus Mupas. Bukod kay Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, akusado rin sa naturang kaso sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at dating election supervisor Lintang Bedol. Hindi naman kasama sa reklamo si dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo dahil sa kawalan ng sapat na katibayan. Nang hingan ng GMA News Online ng reaksiyon ang abogado ng mga Arroyo na si Atty Ferdinand Topacio, isinagot nito sa pamamagitan ng text message na: "INAYKUPOO!" Nauna nang “itinaya" ni Topacio na ipatatanggal nila ang kanyang “betlog" (testicles) kapag hindi bumalik sa bansa ang mga Arroyo sakaling payagang makaalis. 5-2 boto Sinabi ni Jimenez na limang komisyunado ang pumabor na isampa ang reklamo laban kina Gng Arroyo, habang dalawa naman ang hindi nakibahagi sa botohan ng Comelec en banc. Ayon kay GMA News reporter Julius Segovia, ang dalawang komisyunado na hindi bumoto ay sina Lucenito Tagle at Armando Velasco. Idinahilan nila na hindi nila nabasa ang resolusyon kaya hindi sila nakibahagi sa botohan. Iginiit naman ni Comelec chairman Sixto Brillantes na hindi nila inapura ang pagsasampa ng kaso para mahadlangan na makaalis ng bansa si Arroyo. Gayunman, inamin niya na ang pag-file ng kaso ay para makakuha ng hold departure order (HDO) mula sa korte. Ito ay matapos talakayin naman ng Korte Suprema ang mga petisyon tungkol sa ipinalabas nilang temporary restraining order (TRO) sa watch list order ng Department of Justice laban sa mga Arroyo. Sa special en banc session ng SC nitong Biyernes ng hapon, pinanatili ng pinakamataas na hukom ang kanilang TRO sa WLO at pinagpapaliwanag si DOJ Sec Leila De Lima kung bakit hindi pinayagang makaalis ng bansa ang mga Arroyo noong Martes ng gabi. Ipinaliwanag naman ni Brillantes na hindi kaagad naisampa nitong nakaraang araw ang kaso laban kay Gng Arroyo dahil naging abala ang mga opisyal ng Comelec sa pagdalo sa budget hearing sa Senado. Idinagdag ni Brillantes na isinampa na nila ang kaso matapos hindi maghain ng counter affidavit ang mga Arroyo sa reklamo laban sa kanila. "Wala siyang rebutting evidence, she did not rebut any," anang pinuno ng Comelec. “Basta kami ginawa lang namin yung trabaho namin na nandyan sa amin yung rekomendasyon, we acted on it." Idinagdag niya na tinalakay nila ang mga rekomendasyon ng DOJ pero hindi nila tinanggap ang lahat ng rekomendasyon ng ahensiya. Nasa desisyon na rin umano ng didinig na hukom kung magpapalabas ito ng HDO laban kay Gng Arroyo. Kasama umano sa kahilingan ng Comelec sa isinampang kaso na magpalabas ng HDO at warrant of arrest laban sa mga akusado. Nais ng mga Arroyo na makalabas ng bansa para maipasuri umano ang sakit ng dating pangulo partikular ang pagpa-bone biopsy. Sinabi ni Atty Raul Lambino, legal spokesman ni Gng Arroyo, naka-booked ang kanyang kliyente ngayon Biyernes (5:10 p.m) para lumipad sa Singapore. -- GMA News