Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, 2 iba pa, ipinaaresto ng korte


MANILA – Ilang oras matapos isampa ng Commission on Elections ang kasong electoral sabotage, nagpalabas ng arrest warrant ang Pasay City regional trial court laban sa mga akusado na sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dalawang iba pa nitong Biyernes ng hapon. Sa ulat ng GMA News TV's Quick Response Team (QRT), sinabing bukod kay Gng Arroyo, ipinapaaresto rin ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City RTC Branch 112 sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at dating Maguindanao election supervisor Lintang Bedol. Ang electoral sabotage ay walang inirerekomendang piyansa kung malakas ang kaso. May katapat din itong parusa na pagkabilanggo ng habambuhay. Inihalintulad naman ni Atty Raul Lambino, legal spokesman ni Gng Arroyo, sa “bullet train" ang mabilis na pagpapalabas ng arrest warrant sa dating pangulo, ayon sa ulat ng dzBB radio nitong Biyernes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa pulong balitaan sa Malacanang, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi nila hahadlangan sakaling hilingin ng kampo ni Gng Arroyo ang “hospital arrest." Sinabi ni De Lima na nagbigay din ng direktiba si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na tratuhin si Gng Arroyo na, "with utmost respect in consideration of whatever condition she has." Kasalukuyang nasa Bali, Indonesia si Aquino para dumalo sa 19th ASEAN Summit. "Hindi kami mag-o-object sa hospital arrest pero wala sa amin ‘yan, ang desisyon does not lie with us, the complainant, nasa korte yan. Kailangan humingi sila, I think they should get court approval," ayon kay De Lima. Habang nasa bahay o ospital, hindi umano aarestuhin si Gng Arroyo. Kasalukuyang nasa St. Luke's Medical Center sa Taguig City si Gng Arroyo – kongresista na ngayon ng Pampanga. Si Ampatuan ay kasalukuyang nakakulong dahil sa hiwalay na kasong kinakaharap sa Maguindanao massacre. Samantala, si Bedol ay nakapanayam ng media ilang buwan na ang nakalilipas kung saan isiniwalat nito ang umano’y dayaan noong 2007 elections sa ilang bahagi sa Mindanao. – GMA News
LOADING CONTENT