Filtered By: Topstories
News

Pagtaas ng kaso ng AH1N1 sa Baguio City, itinanggi


BALITANG AMIANAN – Kasabay ng paglamig ng panahon sa Baguio City, mahigpit na tinututukan ng Department of Health- Cordillera Autonomous Region at City Health Office ang mga sakit na maaaring idulot nito. Kabilang sa mga minomonitor ang tinatawag na influenza like-illness gaya ng ubo, sipon at trangkaso. At bagamat may kumakalat na balitang tumaas ang kaso ng AH1N1 virus sa Baguio City, nilinaw ng DOH-CAR na wala itong katotohanan. Inihayag ng DOH-CAR na walang dapat ikabahala ang publiko pagkat hindi totoong tumaas ang kaso ng AH1N1 sa tinaguriang Summer Capital ng Pilipinas. Katunayan, bumaba pa raw ang naitalang kaso kung pagbabatayan ang talaan ng DOH-CAR. Base sa listahan ng nasabing ahensiya, 34 kaso ng AH1N1 ang ibinaba nito kumpara noong 2010. Mula Enero hanggang Oktubre noong nakaraang taon, umabot sa 144 ang AH1N1 cases sa lungsod. Habang 110 lang ang naitala ngayong taon sa pareho rin panahon “Hindi naman ganung kaa-alarming yung kaso nating naitala," paglilinaw ni Dra. Myrna Cabotaje, DOH-CAR. Mas mababa rin umano ang suspected cases ng AH1N1 na naitala ngayong taon na aabot lang sa 1,369 kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 2,000. “Kapag sinabi kasi na trangkaso, ang alam ng tao, AH1N1 na. Iba’t-ibang virus naman ang nagko-cause ng trangkaso," dagdag ni Cabotaje. Taong 2009 nang unang nagkaroon ng pandemic case ng AH1N1 sa lungsod kung saan hindi bababa saw along tao ang nasawi, ayon sa DOH-CAR. -- Balitang Amianan
Tags: ah1n1, baguiocity